14/08/2025
MGA LARAWAN | Sama-samang kumilos ang higit 500 na estudyante ng UPLB upang ipanawagan ang agarang tugon sa mga suliraning dulot ng neoliberal na edukasyon sa kada semestreng First Day Rage noong Agosto 12, 2025.
Sa kabila ng matinding buhos ng ulan, hindi nagpatinag ang hanay ng mga estudyante upang iparinig ang kanilang tinig mula Carabao Park, Physical Sciences Building, hanggang Oblation Park. Nagsalita ang iba't ibang kinatawan ng mga progresibong grupo tulad ng Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan, All UP Academic Employees Union Los Baños, Samahan ng Kabataan Para sa Bayan (SAKBAYAN) UPLB, Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) UPLB, at Mindoro Youth for Environment and Nation.
Ilan sa mga isyung pinatambol ng mga nagsalita ay ang kakulangan sa budget ng mga state universities katulad ng UPLB na nagdudulot ng kakulangan sa units ng mga mag-aaral, ang hindi nakakabuhay na minimum wage sa bansa, ang pagpapatalsik sa militar mula sa Mindoro at iba pang mga lugar, at ang pagpapanagot sa mga Duterte at Marcos na siyang mga salarin sa krisis ng lipunan.
Namataan din ang isang police mobile na pumasok sa pamantasan habang ikinakasa ang nasabing pagkilos.
Mariin na iginigiit ng pangkalahatang komunidad ng mga estudyante ang panawagan sa dekalidad, aksesible, at makamasang uri ng edukasyon, hindi lamang sa UPLB kung hindi sa buong Pilipinas.
Mga salita ni Pacey Sarenas
Mga kuha ni Pacey Sarenas