24/09/2025
DOST-PAGASA: Bagyong OPONG, patuloy ang paglakas; mararamdaman ang hangin at ulan mula Huwbes hanggang Sabado.
Patuloy na lumalakas ang Severe Tropical Storm Opong habang patuloy ang pagkilos nito sa karagatan. Ito ay ayon sa Tropical Cyclone Bulletin No. 5 na inilabas ng DOST-PAGASA ngayong Seyembre 24, 5pm. Posibleng umabot ng Signal No. 4 ang lakas ng bagyo, ayon sa ulat.
Mararamdaman ang direktang epekto ni Opong mula Huwebes ng hapon sa Eastern Visayas at Caraga region. Mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng umaga, inaasahang kumilos ang bagyo sa Eastern Visayas at Bicol Region. Mula Biyernes ng tanghali hanggang gabi, mas maraming lugar ang maaapektuhan, kabilang ang CALABARZON, MIMAROPA, Central Luzon, at Metro Manila. Mula Biyernes ng gabi hanggang araw ng Sabado, kikilos na ang bagyo sa West Philippine Sea, palabas ng PAR.
Kasalukuyang nakataas ang Signal No. 2 sa Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar. Nakataas naman ang Signal No. 1 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Samar, ibang bahagi ng Eastern Samar, Biliran, at hilagang bahagi ng Leyte.
Pinapalakas pa rin ni Opong at Nando ang epekto ng hanging Habagat, kaya makakaranas ng malakas na hangin sa mga sumusunod na lugar: Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Quezon, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Camiguin, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Sarangani, Davao del Sur, at Davao Oriental.
Samantala, makararanas naman ng malakas na ulan mula ngayon hanggang bukas ng hapon sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Northern Samar, at Eastern Samar.