30/11/2025
MARGINS OF ERROR | Saksi ang kasaysayan kung paano tratuhin ng may kapangyarihan ang nagpupumiglas. Sa bansang binabaha ng abuso’t katiwalian, ang tumitindig ay binubusalan, at ang tumutuligsa’y pinapaslang. Subalit sa kabila ng panunupil at karahasan, hindi magagapi ang ipinunlang makabayang kamalayan.
Kasabay ng paggunita sa ika-162 na kaarawan ni G*t Andres Bonifacio, sinasariwa ang diwang rebolusyonaryo na kaniyang iniwan sa puso ng mga Pilipino. Ang anino ng taglay na katapangan laban sa mga manananakop ay namumutawi sa makabayang pagkilos sa mga lansangan at komunidad. Patunay ito na ang laban para sa tunay na kalayaan ay hindi natapos sa pag-alis ng mga mananakop, sapagka’t nananatili sa bansa ang dayuhang kontrol, korapsyon, at pagyurak sa karapatan ng taumbayan.
Ngunit, kasabay ng pagputok ng galit ng masa ay ang lantarang pagkilos ng estado upang i-red-tag ang mga sektor na kumikilos at lumalaban. Paulit-ulit, sa ilalim ng Anti-Terrorism Act at iba pang mekanismo, na daan-daang aktibista, lider-komunidad, manggagawa, at kabataan ang tinatawag na “banta” at "terorista" upang sila ay takutin at supilin.
Gayunpaman, kung may mahalagang aral na iniwan ang Supremo, ito’y ang katotohanan na ang tunay na terorismo ay ang sistemang nagnanakaw, nang-aabuso, at nagpapatahimik sa masang naghihirap—at hindi ang pag-aklas laban dito. Dahil sa bawat pisong ibinulsa ng mga kurakot, may sikmurang dumadaing at kumakalam. Sa bawat serbisyong ginagawang negosyo, mayroong mga Pilipinong hindi naaabot. At sa bawat protesta laban sa halang na estado, may mga inosenteng inaaresto at pinapaslang.
Kaya sa harap ng lumalalang katiwalian, kapabayaan, at pagbaliko sa kapangyarihan, magpapatuloy ang rebolusyong sinimulan ni Bonifacio. Magtatagumpay ang nagbibigkisang masa tungo sa tunay na kalayaan. Lahat ng sangkot, sisingilin. Ang nasa tuktok, papanagutin.
Mga salita ni Vince Cabudoc
Dibuho ni Byu