01/06/2025
๐๐ ๐๐ถ๐๐ฒ๐ฟ๐ฎ๐ฟ๐ ๐ Lagi kong panalangin na sana'y isa akong ordinaryong babae o lalaki.
Na sa aking pag-gising,
isa akong batang lalaking mahilig sa mga robot na laruan,
o isang batang babaeng mahilig sa manika โ
may kasariang yakap ng lipunan,
hindi tinatalikuran, hindi kinahihiyang sambitin.
Lagi kong tanong sa Maykapal:
Tatanggapin ba Niya ang pusong ito
na umiibig sa kaparehas na anyo?
Kung kalayaan ang magmahal,
bakit ito ang aking naging kulungan?
Tila ako'y isang paruparong
naghihintay sumibol,
ipagaspas ang mga pakpak na makulay,
ngunit nananatiling nakakulong sa balangkas ng pangamba
napako ang mga paa sa panghuhusga.
Ngunit sa pagitan ng dilim at liwanag,
sa katahimikan ng gabi,
naririnig ko ang sarili kong tinig
paos man sa takot,
nagnanais pa ring marinig.
Sa bawat dasal,
tila ba ang sagot ay dumarating hindi sa anyo ng parusa,
kundi sa mga sulyap ng habag:
sa yakap ng kaibigan,
sa katahimikan ng buwan,
sa himig ng tinig kong natutong umamin.
Marahil noon, hindi pa ako handa.
Takot akong makita ang sarili
sa liwanag ng sariling katotohanan.
Ngunit ngayon, unti-unti kong nauunawaan:
Hindi kasalanan ang umibig,
hindi kasalanan ang maging totoo sa sarili
Ang pusoโy hindi tali ng kasarian,
kundi ilaw ng pagkatao.
At sa dulo ng lahat ng tanong,
isang sagot ang aking niyayakap:
Akoโy likha rin ng Maylikha โ
buo, mahalaga, at karapat-dapat.
Panulat ni: Perseus
Dibuho ni: Ditzy Magpie