29/08/2025
“Ang haliging bumubuhay sa bayan, bakit nananatiling anino sa lipunang kanyang pinapasan?”
Mula sa pinipig at gata na bumubuo ng mga pagkaing bumubusog sa hapag, hanggang sa langis na nagbibigay kaginhawaan at lunas, ang niyog ay tinaguriang “Tree of Life”, sapagkat halos lahat ng bahagi nito ay may gamit at handog. Ang kahoy nito’y nagiging tahanan, ang bao’y sisidlan, at ang dahon ay nagiging bubong at kagamitan sa pang-araw-araw. Ngunit higit sa pisikal na pakinabang, dala nito ang mas malalim na kahulugan.
Hindi lamang ito isang halaman, isa itong kasaysayan na nakaugat sa pagkatao ng mga Pilipino, sumasagisag sa katatagan, kagalingan, at pakikipagbuno sa buhay. Sa bawat pagyuko ng niyog sa hampas ng unos, itinuturo nito ang aral ng pagbabalikwas, ng muling pagtindig, at ng pag-asa. Subalit sa kabila ng dakilang simbolismong ito, nananatiling kabalintunaan ang kalagayan ng mga nagbubungkal nito.
Sa bawat punong niyog ay nakasabit ang pangarap ng magsasaka, ngunit sa bawat ani ay gutom at pagkakait ang gantimpala. Ang ipinangakong Coco Levy ay naging tanikala—yaman na kinubra ng iilan habang ang tunay na nagbunga’y nagdurusa. At sa mas malawak na larawan, hindi lamang Coco Levy ang naninitiling sariwang sugat; ito’y bahagi ng mas malalim na kabiguan ng repormang agraryo. Ang lupaing dapat sana’y ipinamahagi upang bigyang-laya ang magsasaka ay nanatiling hawak ng mga makapangyarihan, habang ang nagpapayabong ay patuloy na nagiging alipin ng sistemang pinabayaan at binigo ng maling pamamalakad.
Pawis ang puhunan, ngunit utang ang kapalit; dugo ang binuhos, ngunit kahirapan ang kapiling. Sa ilalim ng mga batas at pangakong nagtataguyod ng repormang agraryo, nanatiling huwad ang katarungan. Ang mga magsasaka ng niyog ay malinaw na halimbawa ng pagpalya ng programang dapat sana’y nagbibigay lupa at ginhawa, subalit higit pang naglalayo sa kanila sa bunga ng kanilang pinaghirapan. Sa bansang dapat silang kalingain, sila’y itinaboy sa gilid—isang sistemang nag-ugat sa kasinungalingan at patuloy na pinapakinabangan ng iilan.
Kung gayon, ang Linggo ng Niyog ay hindi lamang pag-alala sa puno, kundi paglingon sa mga taong dugo at pawis ang inialay dito. Nawa’y ang paggunita ay magsilbing paalala na ang tunay na ani ng bayan ay hindi lamang langis, gata, at bao, kundi hustisya, dignidad, at lupaing ipinagkait sa magsasaka. Hangga’t hindi natutupad ang tunay na diwa ng repormang agraryo, mananatiling anino ang magsasaka sa lipunang kanilang pinapasan, habang ang iilan lamang ang nagbubunyi sa yaman ng tinaguriang Tree of Life.
ni Alice Ataraxia | The Spark SLSU
Paglalapat ni Jasmine Jenelle Pabit, isinumite para sa The Spark Admission Test