
25/07/2025
AKO MAN AY MAY BUHAY RIN
Sa gitna ng unos, habang ang hangin ay humuhugong at ang iyak ng langit ay bumabagsak, may mga nilalang na naiwang nakakulong sa kanilang mga kulungan—mga hayop na walang kakayahang lumikas kung kinakailangan. Sila ang ating mga alaga na umaasa na sila’y ating hindi iiwan, kahit sa gitna ng unos at sa gitna nang bagyo.
Isipin mo si Bantay na nakatali sa kaniyang kulungan, ang mga mata nitong puno ng takot at ang katawan nito na nanginginig sa lamig habang pinapanood na bumagsak ang patak ng ulan sa kaniyang balahibo. Walang bubong, walang pagkain, at walang tumutulong, maging ang kaniyang pinaglilingkuran ay hindi siya binigyang pansin. Simple lamang ang kaniyang nais, ang makasama ang kaniyang pamilya at makuha ang pagmamahal na lagi niyang ibinibigay. Ngunit sa oras ng panganib, palagi siyang naiiwan, naisasantabi at hindi nakararamdam ng kalinga't konsederasyon, siya'y nagiging malabo, na parang mga ulap na nagdadala ng bagyo-sila'y madalas na nakakalimutan.
Kaya nawa sa bawat pagbabadya ng panahon, sana'y isa tayo sa kanilang maging kanlungan. Ang kanilang katapatan at tunay na pagmamahal ay nararapat suklian ng isang kalinga. Huwag mo sanang ipagdamot ang karampot na silong na magbibigay ligaya sa iyong tapat na alaga. Hindi lamang siya isang bantay, siya ay parte ng isang pamilya, hindi lamang sa saya, kundi maging sa panahon ng unos. Sapagkat, sila ay may damdamin at buhay rin.
// isinulat ni Shanea Rayos