04/11/2025
KOLUM | Dagundong ng Bulong
Ni: Kim Pastorpide, 12 - STEM Forsythia
Ang mga buhay na pinagluluksaan ang hatol ng masang pilit niyuyukaran.
Pag-alala at pagkatuto mula sa mga nasawi ang unang plataporma sa hukuman ng bayan upang kilalanin ang mga nagkasala at totoong kasama sa puwersa ng pagproprotesta.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo sa 150 bilang ng mga indibidwal ang nasawi mula sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine (international name: Tami) sa bansa, habang tinatayang 1.7 milyong pamilya ang apektado. Ito ang naghimok kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang lagdaan ang Proclamation No. 728 na kumikilala sa Nobyembre 4 bilang National Day of Mourning–araw ng pag-alala sa mga buhay na hinagupit ng sakuna.
Isang taon na ang nakalilipas mula nang maging mabisa ang proklamasyon, ngunit hanggang ngayon, liban pa rin ang hustisyang halos limusin na ng bawat biktima. Hindi mula sa likas na kalamidad, ngunit sa puno’t dulo ng pagkalugmok ng mga mamamayan sa siklo ng hungkag na pagseserbisyo ng mga nakaupo. Hanggang ngayon, parokyano pa rin tayo sa mga tapal-butas na tugon.
Sariwa pa sa alaala ng bawat Pilipino ang bangungot na iniwan ng Severe Tropical Storm Kristine, higit na ang Bicol region na lubusang pinalubog nito dahilan para maapektuhan ang mga pananim, kabuhayan, at imprastruktura ng 7, 033, 922 Pilipino. Tiyak na libo-libo pa rin ang walang bahay at naninirahan sa kalsada. Marami pa ang hindi mga ganap na nakababangon. At kung titingnan sa panlipunang perspektibo, dudulo ang lahat sa kaliwa’t kanang panggagantso sa kaban ng bayan.
Lumalabas sa pinakahuling ulat ng WorldRiskIndex nitong Setyembre 2025 na tinatayang nangunguna ang Pilipinas sa 193 bansa bilang “most disaster-prone nation.” Ibinatay ang pagsusuri sa kombinasyon exposure ng bansa sa natural na kalamidad at kahinaan ng mga imprastrukturang pananggalang dito. Nakapanlulumong masyadong nakatuon ang atensyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng Pilipinas sa aspeto ng “habang” at “pagkatapos” ng anomang sakuna, higit na sa tuwing may bagyo. Ang mas malala pa rito, mabuti sana kung maayos na umiiral ang paggalaw ng mga awtoridad sa dalawang aspeto na ‘yan, ngunit taliwas pa rin ang nakasusuyang eksena ng panggigipit sa sapat at dekalidad na suplay ng rubber boats, relief goods, at evacuation centers.
Hilaw. Ganito mailalarawan ang sistema ng DRRM dahil naghihikahos ang bansa mula sa kakapusan ng mga hakbang at inisyatibang prayoridad ang akmang paghahanda bago pa man manalasa ang isang sakuna. Ngunit ano pa nga ba ang aasahan sa lipunang patuloy na sinasabotahe ng hindi makataong pamamalakad?
Itinuturo ang maanomalyang flood control projects bilang isa sa pinakamalaking source ng katiwalian na kinasasangkutan ng mga kontratista, ilang politiko, at lalong higit na ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon sa Commission on Audit (COA), umabot na sa ₱545 bilyon ang inilaan para sa mga proyektong pangkontrol ng baha mula Hulyo 2022. Umiiral na sana noon pa lamang ang matitibay na d**e at pinalawak na drainage systems, ngunit kuwestiyonableng nauna pang gumuho ang mga ito kaysa maprotektahan ang buhay ng mga mamamayang Pilipino. Katumbas ng bawat bayang nalunod ang lantad na pagbagsak ng buong bansa sa sistemang pinamumugaran ng kasakiman.
Kung matatandaan, Hulyo pa nitong taon naungkat ang lahat ng maruming kalakaran sa pangangasiwa ng mga multong proyekto. Nabahiran na ng korapsiyon ang pondong pinag-ambagan ng bawat mamamayan na dapat sana’y bumabalik din sa kanila sa anyo ng mga inisyatibang punsiyonal at praktikal. Oo nga’t likas na ang bagsik ng bagyo, lindol, o anomang sakuna sa buhay natin, ngunit hindi ito dapat kailanman magsilbing lisensya para pagkaitan nila tayo ng pagkakataong maligtas. Labis na ang isang bilang ng kaswalidad at hindi magagambala ang bilang nito kung ipagpapatuloy ang pirming pagpayag sa mapagpanggap na retorika ng kaayusan nila.
Walang iisang salarin. Malinaw pa sa tubig na hindi isolated case ang nangyaring kakulangan at kapabayaan noong hinahagupit ang bansa ng bagyong Kristine dahil tulad ng iba pang sakuna, itinuturo ng mga ito ang dispalinghadong liderato at balikong pangangasiwa ng pondo. Lumulutang ang katotohanang kritikal ang pangangailangan sa magkakatugmang interbensyon na dadaloy mula sa nasyonal hanggang lokal na gobyerno.
Marapat nang tumaya ang gobyerno sa calamity-resilient na mga imprastraktura. Hindi dapat tinitipid ang mga panangga at preparasyong nililikha upang sumagip ng buhay. Tiyaking may sapat na badyet para sa pagpapatupad ng National Adaptation Plan (NAP). Sinusuportahan nito ang National Economic and Development Authority’s Philippine Development Plan 2023-2028 framework, kaya mahalagang maisakatuparan ang dalawa bilang bahagi ng progresibong mitigasyon at adaptasyon sa mga paparating pang sakuna.
Isa pa, simulan ang paninindigan sa pagsasabatas ng Senate Bill 1330 o ang “National Budget Blockchain Act” na inihain ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV. Gumagamit ito ng teknolohiya para maging bukas sa publiko ang pambansang badyet, kung saan permanente nang nakalathala sa isang digital ledger ang lahat ng entries o transaksyon. Sa pamamagitan nito, walang takas ang sinomang magtatangkang dalhin ito sa ilalim ng mesa. Desentralisado, kaya garantiya ang konsultasyon sa publiko, mahigpit na auditing, at transparent na paglustay sa bawat sentimo.
Sa pagdaluyong ng panibagong bagyong Tino sa Pilipinas, isang mapait na leksyon ang dinidikdik sa atin ng ulan at pagbaha: Hindi maaaring mauwi na lamang ulit sa wala ang imbestigasyon at case build-up na nasimulan. Kailangang may managot at mahanap ang sagot sa irregularidad na pinagdurasahan ng estado. Walang dahilan para madagdagan pa ang iniwang ₱11 bilyong pinsala sa agrikultura at imprastruktura ng bagyong Kristine, gayong napupuruhang maigi ang produksyon ng bigas, mga tulay at daanan, at mga paaralan—lahat kritikal sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Porma ng garantiya ng karapatan at pananagutan ang pagkakaloob sa bansa ng serbisyong nakasentro sa sariling uri nito. Ngayong araw ng pag-alaala sa mga nasawing biktima ng bagyong Kristine, higit pa sa pagsasabit ng watawat ng Pilipinas ang paraan ng pakikipagdalamhating kinakailangan ng mga nawalan kundi pag-aalay ng katiyakan. Isang kasiguraduhang magmamarka sa atin ang kinahinatnan ng maputik na pandarambong ng mga naghaharing-uri—sapat na upang tutulan ang hamak na pagpapatahimik.
Progresibong pagbabago mula sa itaas patungo sa ibaba ang sasapat hindi lamang para pagluksaan ang kahapon, ngunit upang tuldukan ang napipintong lamay ng hustisyang ipagkakait bukas.
Sa bawat patak ng ulan ay may ngalan ng isang nakalimutang biktima. Ngunit habang may iisang tinig na tumututol, mananatiling umuugong ang kanilang mga bulong, hindi bilang isang panaghoy, kundi bilang dagundong ng paniningil.