16/12/2025
MGA ARMAS NAREKOBER NG MGA SUNDALO
Dahil sa ulat ng isang concerned citizen, napigilan ang muling pagkakaroon ng mahalagang armas ng mga teroristang elemento ng NPA matapos makarekober ang tropa ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division ng iba’t ibang armas sa isang liblib na lugar sa Barangay San Isidro, Rosario, Batangas nitong Lunes, Disyembre 15.
Agad na kumilos ang mga sundalo ng 59th Infantry (Protector) Battalion at nagsagawa ng beripikasyon sa parehong araw. Sa kanilang operasyon, natagpuan ang isang sako na naglalaman ng iba’t ibang baril, bala at kaugnay na kagamitan.
Kabilang sa mga narekober ang isang M1 Carbine, isang shotgun, isang bandolier, dalawang magasin ng M16, at sari-saring bala kabilang ang M203 40mm, mga bala ng riple at shotgun.
Pinuri ni 2ID Commander Major General Ramon Zagala ang pagiging mapagmatyag ng lokal na komunidad at ang maagap na aksyon ng mga tropa.
Ayon kay Zagala, “Ang mabilis na pagkilos ng 59th Infantry Battalion ay patunay ng propesyonalismo ng ating mga sundalo at ng lumalalim na tiwala ng mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Ang ganitong kooperasyon ay patuloy na nagkakait sa mga teroristang NPA ng mga rekurso at espasyong kailangan nila upang makakilos, pinahihina ang kanilang kakayahan at tumutulong na mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.”
Matapos ang pagkakadiskubre, inalerto ang lahat ng kalapit na tropa upang higpitan ang seguridad at pigilan ang posibleng mga peace spoiler.
Patuloy namang hinihikayat ng 2nd Infantry Division ang publiko na mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad, bilang bahagi ng kanilang pangakong pangalagaan ang mga komunidad at mapanatili ang kapayapaan sa kanilang nasasakupan.