
20/06/2025
Aida Dapula
Col. Albacea, bagong Provincial Director ng Quezon
CALAMBA CITY, Laguna — Pormal nang inilipat ang pamumuno ng Quezon Police Provincial Office kay Col. Romulo Albacea, matapos ang isinagawang turnover ceremony sa Camp Vicente Lim.
Sa pangunguna ni Police Regional Office 4-A director Brig. Gen. Jack W***y, tinanggap ni Albacea ang simbolikong bandila ng PNP mula kay Col. Ruben Lacuesta, ang kanyang pinalitan bilang provincial director.
Tubong Tagkawayan, Quezon si Albacea at anak ng retiradong police lieutenant colonel. Siya ay miyembro ng PNPA Kabalikat Class of 1998.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si Albacea kay Quezon Governor Angelina “Helen” Tan sa tiwala at pagkakahirang sa kanya sa prestihiyosong posisyon. Nangako rin siyang ipagpapatuloy at susuportahan ang mga programa at inisyatibo ni Col. Lacuesta para sa kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.
“Buo po ang aking suporta sa mga planong nasimulan ni Col. Lacuesta, at inaasahan ko po ang pakikiisa ng bawat pulis Quezon para sa mas ligtas at mas maunlad na lalawigan,” ani Albacea.
Ang turnover ceremony ay dinaluhan ng mga opisyal ng PNP, mga lokal na lider, at mga miyembro ng media.