04/08/2025
Hinihinalang Labi ng Dinukot na CAFGU noong 2023, Natagpuan Matapos ang Dalawang Taon—Salaysay ng Karahasang Dulot ng NPA
BANSUD, Oriental Mindoro — Isang malungkot ngunit mahalagang hakbang patungo sa hustisya ang naganap noong ika-28 ng Hulyo taong kasalukuyan, matapos matagpuan ang hinihinalang labi ng isang lalaking dinukot at pinaslang umano ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro.
Ayon sa mga paunang ulat, noong ika-09 ng Pebrero taong 2023, ang biktima, 30 taong gulang, ay kasama ang isang menor-de-edad na kapitbahay at abala sa pagtatanim sa mabundok na bahagi ng nasabing bayan nang sila ay sapilitang dukutin ng isang armadong grupo. Batay sa salaysay ng ilang dating rebelde na kamakailan lamang sumuko sa pamahalaan, pinalaya ang menor-de-edad makalipas ang ilang buwan. Ngunit ang biktima ay nanatiling bihag at kalaunan ay walang awang pinaslang. Mas masaklap, hindi man lamang ipinaalam sa kanyang pamilya ang kanyang pagkamatay. Sa halip, siya ay itinago at ibinaon nang palihim, na para bang isang hayop lamang, inalisan ng dangal maging sa huling sandali ng kanyang buhay. Pinamumunuan umano ang grupong ito ni Lena Gumpad alyas ,” isang kilalang lider ng NPA sa rehiyon. Ang karumal-dumal na krimeng ito ay malinaw na patunay ng patuloy at walang habas na karahasang isinasagawa ng CPP-NPA—isang organisasyong walang anumang pagpapahalaga sa buhay, dignidad, at karapatang pantao.
Ang biktima, isang padre de pamilya na may dalawang anak, ay tahimik na namumuhay bilang magsasaka upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa kabila ng kakulangan sa buhay, pinili niyang magsilbi bilang volunteer CAFGU Active Auxiliary (CAA) upang makatulong sa pagbabantay at pagpapanatili ng seguridad sa kanilang barangay.
Sa tulong ng impormasyong ibinahagi ng isang sibilyang boluntaryong nakipagtulungan sa mga awtoridad, natunton ang kinaroroonan ng kanyang mga labi sa Sitio Tagaytay, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Agad itong tinungo ng mga kasundaluhan mula sa 203rd Infantry Brigade, 1st Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division, at 1st Civil-Military Operations Company ng 2nd CMO Battalion, katuwang ang Roxas Municipal Police Station, 403rd Regional Mobile Force Battalion ng PNP, at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Oriental Mindoro Police Provincial Office.
Ang mga labi, na pawang mga buto na lamang ang natira, ay isasailalim sa masusing pagsusuri, kabilang na ang DNA testing, upang opisyal na matukoy ang pagkakakilanlan. Pormal ding naimbitahan ang mga magulang at kapatid ng biktima para sa DNA sampling bilang bahagi ng proseso ng beripikasyon. Ang resulta ng pagsusuri ay magsisilbing mahalagang hakbang sa paghahanap ng hustisya at pagkamit ng kapayapaan para sa pamilya.
Bilang pagkilala at pagbibigay ng karampatang dangal sa kanyang serbisyo, ang mga labi ng biktima ay nabigyan ng disenteng libing kinabukasan sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Roxas, Oriental Mindoro, katuwang ang kasundaluhan at kapulisan. Naging pagkakataon ito para maipadama ng pamahalaan ang taos-pusong pakikiramay at pagpapahalaga sa sakripisyong kanyang inialay para sa kapayapaan at seguridad ng komunidad.
Mariing kinokondena ng pamunuan ng 203rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Division, Philippine Army, ang walang awang pamamaslang na ito at tahasang paglabag sa karapatang pantao. Ayon kay BGen. Melencio W. Ragudo PA, Commander ng 203rd Infantry Brigade, “Ang mga CAA ay katuwang ng pamahalaan sa pangangalaga ng kapayapaan. Ang kanilang sakripisyo ay hindi dapat balewalain, kundi kilalanin at ipagmalaki.” Kaisa ang pamahalaan sa panawagan para sa hustisya, at patuloy ang isinasagawang operasyon ng militar upang papanagutin ang mga responsable sa karumaldumal na krimeng ito.
Patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng detalye ng insidente, papanagutin ang mga nasa likod ng krimeng ito, at masiguro na wala nang ibang mamamayan ang mabibiktima ng karahasan ng teroristang NPA.