11/01/2026
PINAAMPON, ITINAKWIL NG PAMILYA AT NAGING PALABOY NOON, ISA NANG LICENSED PROFESSIONAL TEACHER NGAYON!
“Delubyo.”
Halos ganito kung isalarawan ni Zaldy Anigan ang naging takbo ng kaniyang buhay simula nang siya ay bata pa lamang hanggang sa iginapang ang sarili para makapagtapos ng pag-aaral at maging ganap na Licensed Professional Teacher (LPT).
Si Anigan ay tubong San Jose, Antique, ngunit dahil sa mapait na agos ng buhay ay napadpad siya rito sa lalawigan ng Aklan.
Ipinanganak siya no’ng taong 1990, kung saan, tatlong araw pa lamang ang nakakalipas matapos itong iluwal, ay ipinaampon na ito sa kaniyang tiyuhin na nakababatang kapatid ng kaniyang ina.
Makalipas ang ilang taon, pumanaw ang kaniyang itinuring na ama, at doon na nagsimula ang mas mabigat na dagok ng kaniyang buhay.
Hindi paman naililibing ang kaniyang ama, ay itinakwil na ito ng pamilyang umampon sa kaniya. Pinagbintangan siya na siya ang dahilan ng pagkamatay ng padre de pamilya.
Ni halos hindi man lang ito makalapit sa lamay dahil galit sa kaniya ang pamilya, at sinabihan pang pakitang-tao lamang ang pag-iyak nito.
Hanggang sa dumating ang araw na pinagtatapon na sa labas ng kanilang bahay ang gamit ni Anigan, at doon na siya pinalayas.
Walang ibang mauwian si Anigan kung kaya’t nagpalaboy-laboy ito sa lansangan. Natulog ito sa simbahan, o kahit saan-saang sulok sa kanilang lugar.
Hanggang sa nakilala niya ang naging matalik na kaibigan na si Joselito Pasco, na siyang pansamantalang tumulong at nagpatuloy sa kaniya sa kanilang bahay. Masasabing parang naging buddy sila, dahil halos naging magkasama sila sa araw-araw.
Nagtrabaho silang dalawa sa isang business establishment sa Boracay, naging tagatinda ng isda, nagtrabaho sa ospital at kung saan pa, ngunit dahil hindi sila college graduate, ay de-kontrata lamang sila.
Makailang beses na nagkasakit si Anigan tulad na lamang ng Dengue at severe fatigue. Walang ibang nag-alaga o bumisita na pamilya sa kaniya, kundi si Joselito lamang. Nagkanda-utang pa aniya sila para lamang mabuhay.
Dumating ang araw na lumipat sila sa Kalibo para makipagsapalaran, kung saan, naranasan nilang hindi kumain nang ilang araw, pero sa kabila nito ay may mga tao paring mababait na nagbigay sa kanila ng makakain.
Nagtrabaho sila sa mga malalaking business establishment sa Kalibo, nagkakanda-utang, at may mga pagkakataong nagmamakaawa pa, para lamang makapagtuloy sa araw-araw na pamumuhay, at maging ang mga katrabaho nila ay nag-ambagan para itulong sa kanila.
Hanggang sa napagkasunduan ng dalawa na si Joselito muna ang magtrabaho at si Anigan ang magpapatuloy sa kolehiyo, lalo’t libre ang tuition sa University.
Nag-enroll si Anigan sa Aklan State University- Makato Campus, kung saan marami rin aniyang mga instructor ang kaniyang nautangan at naawa sa kaniya. Kung susumahin aniya ang kabuuan ng kaniyang mga naging utang ay aabot na sa mahigit-kumulang P40,000.
Nagtrabaho sa iba’t ibang tao si Anigan, tulad ng pagging helper sa canteen at iba pa. hanggang Isa ring tao ang bukas-kamay na tumulong sa kaniya upang may panggastos sa pag-aaral.
Noong maka-graduate sa kolehiyo ay binalitaan niya agad ang kaniyang ina at sinabihang umattend sa graduation dahil kailangan doon ang magulang, ngunit ang sagot ng kaniyang ina ay “bahala ka na”. mga salitang mas lalong nagpalugmok sa kaniya, at hindi manlang binati ng ‘congratulations’.
Sa huli ay si Joselito na naman ang kaniyang naging kasama sa graduation.
Dalawang beses na kumuha ng board exam si Anigan- sa una ay bagsak, ngunit sa pangalawa ay pasado na!
Humagulgol si Anigan ng malaman ang balita na pasado siya, na tila nawala ang lahat ng kaniyang pagod, at sinagot ng Panginoon ang kaniyang panalangin. Ngunit ang kaniyang pamilya ay nanatiling hindi bilib sa kaniyang naging tagumpay, dahil nilait pa umano siya at hindi sila naniniwala sa kaniyang mga sinasabi.
Payo ni Anigan sa mga kabataan, huwag sumuko at kumapit lamang sa Panginoon. Bigyang-halaga ang mga paghihirap ng kanilang mga magulang, dahil siya ay hindi nakaramdam ng aruga ng magulang. Sunggaban ang mga dumarating na oportunidad, dahil minsan lamang ito bumubukas.
Sa ngayon ay naghahanda ni si Anigan sa kaniyang oath taking na nagaganapin sa February 8, 2026.
🟥SA MGA GUSTONG TUMULONG KAY ZAIDY ANIGAN, HERE’S HIS PERSONAL GCASH NO: 09126160623
Source: I Love Antique