
02/07/2025
Pagsasanay sa Package of Technologies para sa mga Magsasaka ng Cavite, Inilunsad ng DA-4A
Noong ika-18 ng Hunyo, isinagawa ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON ang isang mahalagang pagsasanay sa Package of Technologies (POT) para sa mga magsasaka sa bayan ng General Emilio Aguinaldo, Cavite. Ang layunin ng nasabing aktibidad ay palawakin ang kaalaman ng mga lokal na magsasaka sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim, pag-aalaga, at pagpapabunga ng gulay upang mapataas ang kanilang ani at kita.
Sa pagsasanay, itinuro ang mga makabago at episyenteng paraan ng paggamit ng abono, na maaaring makuha nang libre sa tulong ng lokal na pamahalaan. Bilang bahagi ng aktibidad, isinagawa rin ang isang field tour sa YAKAP AT HALIK Multi-Purpose Cooperative, kung saan ipinakita ang mga pasilidad na ipinagkaloob ng Kagawaran. Kabilang dito ang vermicomposting shed, vermicompost processing and storage facility, greenhouse, at multi-commodity greenhouse-type solar dryer na ginagamit ng kooperatiba sa kanilang operasyon.
Ayon kay Gng. Myrna Ikan, isang miyembro ng Castaños Cerca Farmers Association, ang ganitong pagsasanay ay isang malaking hakbang para sa mga magsasaka upang matutunan ang mga paraan kung paano mas mapaunlad ang kanilang mga taniman.
Ang aktibidad ay naging posible sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan ng Cavite, kabilang ang General Trias, Alfonso, Magallanes, General Emilio Aguinaldo, at Silang, na katuwang ng DA-4A sa pagpapalaganap ng teknikal na kaalaman sa mga samahan ng maggugulay.
Ang pagsasanay na ito ay isang patunay ng pangako ng Kagawaran ng Agrikultura sa pagsuporta at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa rehiyon, na naglalayong mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Cavite.