18/10/2025
Nag-viral sa social media ang isang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) matapos itong makuhanan ng video habang iniinspeksyon at nililista ang mga plaka ng mga nakaparadang motorsiklo sa loob ng isang bakuran sa Barangay Sicsican, Puerto Princesa City.
Sa video na ibinahagi ng netizen na si Psyrock Law Sebalda, makikitang nagulat at nagtaka ang mga residente nang pasukin ng LTO enforcer ang kanilang bakuran. Maririnig pa sa video ang pagtatanong ng mga tao kung ano ang kanilang nilabag at kung bakit pati pribadong lugar ay pinapasok na ng ahensya.
“Ang operation n’yo dapat sa highway lang. Bakit pinasok n’yo kami? Ano kayo? Grabe na LTO sa Puerto,” bahagi ng caption ng post ni Sebalda.
Ayon sa mga residente, wala namang na-isyuhan ng ticket, ngunit nilista umano ng opisyal ang mga plate number ng mga motorsiklong nakaparada sa loob ng bahay. Dahil dito, marami ang nagtanong kung tama ba ang ganitong paraan ng operasyon ng LTO.
Maging si Palawan 2nd District Board Member Ryan Maminta ay nagpahayag ng pagkadismaya sa nangyari. Aniya, “Mawalang galang lang po mga kamanggagawa sa Land Transportation Office o LTO. Bawal na po ang istilo ng inyong panghuhuli maliban na lang kung kayo ay may hawak na 'warrant’. Hindi na kayo pwede sa pribadong lugar — paglabag na yan sa karapatan ng mga kababayan natin. Limitado kayo sa panghuhuli ng mga traffic violations sa mga pampublikong lansangan at lugar.”
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang LTO Puerto Princesa kaugnay sa insidente.
📷: Palawan News Team, Abante