14/07/2025
Pahayag ng OWWA sa Pagpanaw ni OFW Leah Mosquera
13 Hulyo 2025
Lubos pong nakikiramay ang Overseas Workers Welfare Administration sa pamilya, mga kaibigan, at kapwa OFW ni OFW Leah Mosquera, isang Filipinang caregiver sa Israel na pumanaw matapos ang halos isang buwang pakikipaglaban para sa kanyang buhay.
Si Leah ay kabilang sa mga nasugatan sa Rehovot, Israel noong Hunyo 15, matapos tamaan ng missile ang kanilang tinutuluyang flat. Siya ay naospital sa matinding kritikal na kondisyon, at sa kabila ng lahat ng pagsisikap at panalangin, binawian siya ng buhay ngayong araw—isang malungkot na balitang kinumpirma ng kanyang kapatid na si Mae Joy, na isa ring OFW sa Israel.
Si Leah ay nakatakda sanang magdiwang ng kanyang ika-50 kaarawan sa darating na Hulyo 29.
Ang ay nakikiisa sa Department of Migrant Workers, ang Philippine Embassy sa Tel Aviv, Migrant Workers Office, at mga kinauukulang awtoridad sa Israel upang tiyakin ang agarang repatriation ng kanyang mga labi, at pagbibigay ng nararapat na tulong pinansyal at psychosocial sa kanyang kapatid at naiwang pamilya.
Alinsunod sa malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “walang Pilipinong maiiwan,” sasagutin ng pamahalaan ang lahat ng kaugnay na gastusin—mula sa repatriation, local transport, funeral at burial expenses, hanggang sa tulong para sa kapatid ni Leah.
Habang tayo ay nagluluksa sa pagkawala ni OFW Leah Mosquera, nananawagan ang OWWA para sa higit pang pandaigdigang pagkilos upang masiguro ang kaligtasan ng mga migranteng manggagawa sa mga bansang may krisis o kaguluhan. Katulad ng DFA at DMW, naninindigan kami na ang bawat OFW ay may karapatang mabuhay at magtrabaho nang ligtas, may dignidad, at may sapat na proteksyon saanmang panig ng mundo.