02/04/2026
Admin, paki-hide na lang ng profile ko. Tawagin niyo na lang akong "Jojo."
Gusto ko lang i-share itong karanasan ko kagabi. Rider ako ng isang sikat na food delivery app. Sanay ako sa puyatan, sanay ako sa madidilim na eskinita sa Maynila, pero iba talaga ang "vibe" dito sa Cavite paglampas ng alas-dose ng hatinggabi.
Bandang 1:15 AM, galing ako ng Imus at pabalik na sana ako ng bahay nang tumunog ang app ko. Malaki ang tip, kaya kahit medyo malayo ang drop-off sa isang subdivision sa bandang Dasmariñas, tinanggap ko na.
"Isang Bucket ng Fried Chicken at Spaghetti."
Ang address? Dasmariñas, Cavite - Phase * Block *, Lot *
Ang Biyahe
Pagdating ko sa gate ng subdivision, nagtaka ako dahil walang guard. Bukas lang ang gate pero parang abandonado ang guardhouse. Binagtas ko ang kalsada. Yung mga streetlights, kumukurap-kurap, yung iba pundido na. Habang papasok ako nang papasok, lalong tumatahimik. Ang naririnig ko lang ay yung ugong ng motor ko at yung huni ng mga kuliglig na parang sumisigaw.
Nahanap ko naman yung Block *. Pero yung bahay... parang hindi na tinitirhan. Magulo ang bakuran, puno ng tuyong dahon, at sarado ang lahat ng bintana.
Nag-message ako sa app: "Sir/Ma'am, nandito na po ako sa labas."
Wala pang isang minuto, may nag-reply: "Ipasok mo lang sa gate, iwan mo sa lamesa sa terrace. Naka-Gcash na ang bayad."
Sinunod ko naman. Pagtapak ko sa terrace, ang bigat ng pakiramdam ko. Parang may nakatingin sa akin mula sa siwang ng kurtina. Mabilis kong nilapag ang pagkain. Pero bago ako makaalis, narinig ko ang pinto na bumukas nang dahan-dahan.
Isang matandang lalaki, payat na payat, at puting-puti ang buhok ang sumilip. Ngumiti siya sa akin, pero yung ngiti niya... hanggang tenga. Ang puti ng mga mata niya, parang walang pupila.
"Salamat, iho.," sabi niya sa boses na garalgal.
Paglabas ko ng gate, biglang tumunog ang phone ko. Notification galing sa app:
"Order Cancelled: Rider safety concern flagged in this area."
Nagtaka ako. Bakit ngayon lang? Chineck ko yung Gcash ko. Pumasok yung bayad,ang pangalan ng sender: "R*STI*U*O M."
Sa sobrang kaba ko, huminto muna ako sa isang 7-Eleven sa labas ng subdivision para uminom ng tubig. Naikwento ko sa crew yung nangyari at yung address. Biglang namutla yung crew.
"Kuya, yung Block *, Lot *? Limang taon nang sunog yung bahay na 'yan. Buong pamilya namatay dyan.
-The end-