
01/09/2025
"Bida-Bida"
May nagsabi sa’kin dati:
Kung naiinis ka agad sa katrabaho mong parang laging bida,
baka kasi masyado kang tutok sa kilos niya
kesa sa galaw mo.
Sabi niya,
puwede ka namang maging bida
kahit may maingay na nauuna sa spotlight.
Tahimik kang nagkakayod,
walang paandar, walang fanfare
pero solid ang gawa.
At minsan, 'yun ang tunay na haligi.
Pero, real talk...
Hindi sapat ang pagiging magaling
kung ‘di ka napapansin.
Maraming matitino, pero naiwan sa likod
dahil mas piniling huwag sumabay sa ingay.
Samantalang ‘yung iba,
sumugal
kahit matawag na bida-bida,
dahil alam nilang sa mundong ‘to,
visibility is currency.
May mga taong nagbibida
dahil sinasalong lahat ng trabaho
kahit puyat, kahit ubos na.
May nagbibida
dahil marunong mag-utos at mag-manage
trabaho, tapos agad.
May nagbibida
dahil malakas sa PR
laging may chika sa boss,
malapit sa kalan,
kaya laging mainit ang ulam.
At meron din,
bida sa sariling kwento
sila raw ‘yung mabait,
ikaw ang kontrabida.
Ganyan talaga.
Iba-iba ng approach,
pero iisa ang goal:
makilala, makita, marinig.
Sabi nga ng dati kong manager
(na ngayon ay Managing Director na),
"Walang taong hindi naging bida-bida.
Magkakaiba lang tayo ng eksena,
at diskarte kung paano gaganap."
Kaya kung iniipon mo lang ang inis,
baka ikaw rin ang mabigat dalhin.
Mas okay sigurong itanong mo:
"Anong klaseng bida ba ako sa kwento ko?"