05/01/2026
BANGKAY NG BABAE NA NATAGPUAN SA CAMARINES NORTE NA NAKALAGAY SA PLASTIC STORAGE BOX, ISINAKAY NG BUS PA-BICOL
Tukoy na ng mga awtoridad ang pinanggalingan ng bangkay ng babae na isinilid sa isang plastic container box at inihulog sa ilog sa barangay Pinagwarasan sa Basud, Camarines Norte noong Enero 2, 2026.
Ayon sa impormasyon, Isang tricycle driver ang lumapit sa Basud Municipal police Station, na ayon sa kanyang salaysay, pasado alas-diyes ng umaga nang siya ay magising at habang nag-i-scroll sa social media ay kanyang nakita ang balita sa online na tumutugma sa kahong kanyang naisakay.
Bandang alas-4 ng madaling ay lumapit sa kanya ang isang lalaking nakasuot ng jacket at nag-arkila ng tricycle papuntang barangay Mocong at ito ay magbabayad ng ₱200.00.
Malaking itim na kahon mula sa istribo ng Bus ang ibinaba na dala ng lalaki, tinulungan ng driver na buhatin ang kahon na ayon sa pasahero ay mga grocery items ang laman ng kahon at may mga bagay na madaling mabasag sa loob.
Inilagay ang plastic storage box sa loob ng tricycle, habang ang lalaking umarkila ay sumakay sa likod ng drayber at inihatid siya sa may tulay ng Mocong, kung saan sinabi ng lalaki na mayroong susundo sa kanya roon.
Dahil sa kanyang nabasang mga balita sa social media, ay kanyang naramdaman ang bigat ng sitwasyon, kahit natatakot para sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya ay sinabi niyang wala siyang alam sa tunay na laman ng box at nais niya lamang na malinawan ang lahat ng pangyayari, kung kaya't siya ay pumunta sa himpilan ng pulisya upang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Samantala, ayon pa sa imbestigasyon, lumalabas na sumakay ang lalaking suspek sa pampasaherong bus na papuntang Daet sa may bahagi ng Turbina Terminal sa Calamba, Laguna at nagtanong kung maluwag pa ang estribo.
Dahil sa hindi naman alam ng mga taga terminal na bangkay pala ang laman ng bagahe kaya't ito ay pinasakay.
Pero dahil sa bigat ng kahon ay inakala ng konduktor na mayroon itong laman na sinakong bigas, at sinabi nito sa lalaki na may kaukulang bayad ang bagahe. Gayunman, nakiusap ang lalaki na kung maaari ay libre na lamang ang naturang bayad, dahil ang laman lamang umano ng megabox ay gamit lamang sa pagmemekaniko at iuuwi umano niya sa bayan ng Daet. Dahil sa awa, napagbigyan ng konduktor ang hiling ng pasahero at pinayagan itong maisakay ang bagahe nang walang karagdagang bayad.
Nang dumating sa Daet ang bus, ay sumakay naman ang suspek sa inarkelang tricycle at dumiretso sa Basud sa lugar kung saan itinapon ang bangkay.
Bagama't hindi pa tukoy ang pinakaeksaktong lugar, pero ang mahalaga para sa mga otoridad ay alam na nilang galing sa Region IV-A ang suspek at ang hindi pa nakikilalang bangkay ng babae.
Nananawagan naman ang pulisya sa iba pang maaring naging saksi para makatulong sa imbestigasyon at sa mga nawawalan ng kaanak na makipag-ugnayan sa kanila.
Ang biktima ay tinatayang edad na nasa 35 hanggang 40 at may tattoo ito sa kaliwang dibdib at kanang balikat.
Reshared post
Source: Boses ni Binlawan