20/03/2023
Umiigting ang araw-araw na pakikibaka ng mamamayan para sa buhay.
Sa palalang sosyo-ekonomikong krisis pambansa, lalong naghihirap ang mga maralita at nagdurusa ang mga panggitna. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayong nananatiling hungkag ang pinapamahaging lupa, sahod, trabaho, at iba pang serbisyong panlipunan.
Tumatagos ang bigat na dalahing ito higit sa rehiyong Gitnang Luzon at probinsya ng Bulacan na parehong inaalisan ng kabuhayan. Habang niraratsada ang mga kontra-mahirap at anti-mamamayang proyekto, iniiwang nagkukumahog na humabol sa dikta ng neoliberalismo ang mga nasa laylayan.
Bilang nakatindig sa gitna ng koordinadong lagim na ito, sumisingaw mapahanggang sa loob ng Bulacan State University ang kaliwa't kanang mga suliraning ito. Maraming kakulungan ang hindi pa rin matugunan habang puspos ang ginagawang pag-atake sa mga nananawagan.
Sa ganitong konteksto ng salimbayang pagharap sa iba't ibang mga isyu ilalagay ang lugar ng mga susunod na lider-estudyante ng unibersidad. Isang buwan bago ang Student Government Elections, ito ang inaasahang pamunuan ng mga sumusubok kaisahin ang pinakamalaking sektor sa pamantasan.
Kahanay ng mga publikasyon, organisasyon, at komunidad na mayroong parehong adhikain, tumitindig ang Pacesetter para sa isang malinis, tapat, at mapagpasyang SG Elections. Susulong ang publikasyon bilang matibay na haligi ng katotohanan, hustisya, at kalayaan para sa mga mag-aaral at bayan.
Bantayan ang integridad ng eleksyon. Nang sa gayon, isiwalat ng ating mapagkaisang boses ang mga lider-estudyante na aabutin ang umiigting na araw-araw na pakikibaka ng mamamayan para sa buhay mula sa lipunan hanggang sa pamantasan.