25/09/2025
REP. DOMINGO: "MARIIN KONG ITINATANGGI ANG ALEGASYONG NAGDADAWIT SA AKING PANGALAN"
Binasag na ni Congressman Danny A. Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan ang kanyang katahimikan kaugnay ng mga alegasyong may kinalaman siya sa umano’y anomalya sa flood control projects sa lalawigan.
Kabilang si Domingo sa mga kongresistang pinangalanan ni dating Bulacan DPWH 1st District assistant engineer Brice Hernandez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 23. Bukod kay Domingo, tinukoy rin ni Hernandez sina 5th District Rep. Ambrosio "Boy" Cruz at 2nd District Rep. Tina Pancho bilang umano’y nakatanggap ng 15% hanggang 20% kickback mula sa proyektong flood control.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Setyembre 25 dakong alas-6 ng gabi, mariing pinabulaanan ni Domingo ang mga paratang.
“Mariin kong itinatanggi ang alegasyong nagdadawit sa aking pangalan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control projects,” ayon sa kongresista.
Giit pa niya, wala siyang naging benepisyo mula sa mga kontrobersyal na proyekto.
“Nais kong linawin na wala akong anumang partisipasyon sa mga usaping may kaugnayan sa implementasyon ng mga proyekto, at wala rin akong natanggap na anumang benepisyo mula rito,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Domingo, handa siyang makiisa sa mga isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan.
“Patuloy akong makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya at kasama sa pagsusulong ng buong katotohanan, upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tapat, wasto, at para sa kapakinabangan ng mga mamamayan,” pagtatapos ng pahayag.