12/06/2025
Ngayong araw, patuloy pa rin ang pakikibaka na hanggang ngayon ay minimithing makamtan, bitbit pa rin ang mga alaala na kailanma’y may nais nang mabura. Mula sa pag-alpas patungong kalayaan ay siyang naging susi upang ang salimuot ay matakasan. Mula sa pagkupkop sa mga salita tungo sa tradisyon, kultura, at iba pa, tayo’y naging dayuhan na rin sa ating sariling bayan.
Hindi kailanman naghilom ang mga sugat sa pag-aakalang ang bayan ay nakalaya na. Narito pa rin ang mga langib, peklat, at gasgas na iniwan ng kapitalismo. Sa patuloy na pagbabaklas ng mga kadenang mahigpit ang kapit sa bayang sinisinta, natatamo ang kalayaang inaasam para sa tunay na paglaya.
Tuloy ang laban para sa mga uring manggagawang dugo’t pawis ang naging puhunan, para sa mga kababaihang may paninindigan at karapatan, sa ating sariling kayamanan, para sa mga namatay na walang kalaban-laban, para sa mga kapatid nating katutubo na pilit pinapaalis sa kani-kanilang tunay na tahanan, para sa mga nawala at hindi na muling nakita. Tuloy lang ang laban sa mga dayuhang patuloy na nanghihimasok sa ating sariling pagkakakilanlan; puksain ang mga naghaharing-uri at ang mga sumasamba sa pera’t kapangyarihan, at patuloy na baklasin ang kadenang impluwensiya ng mga dayuhang nais maghari-harian.
Sa bawat sulok ng lipunan, mayroon pa ring mga laban na hindi natatapos. Patuloy ang pakikibaka, pakikiisa, pagtindig, at pagiging makabayan. Tuldukan na natin ang panghihimasok, pambabastos, pagpapakatrapo, at ang pagiging tuta sa sarili nating bayan. Muli, ang tunay na kalayaan ay nasa kamay nating mga nasa lipunan.
Kaisa ang Patlang, opisyal na publikasyon ng AB Literatura: Malikhaing Pagsulat, sa mga boses na kailangang marinig, sa mga matang nagbubulag-bulagan, at sa adhika para sa tunay na kalayaan. Patuloy tayong makisangkot sa usapin ng kalayaan—gawing makabuluhan ang ating mga panulat at boses para sa bayan—sapagkat ito ang magiging lunsaran ng mga hinaing na hindi pinakikinggan ng lipunan.
Para sa isang tunay na kalayaan na naging sandalan nating mga tao sa lipunan. Tuloy ang laban para sa tunay na kalayaan.