21/09/2025                                                                            
                                    
                                    
                                                                        
                                        Mula noon hanggang ngayon, nananatiling tapat ang Simbahan sa kanyang panawagan: maging tinig ng katotohanan at ilaw sa gitna ng dilim. Sa bawat yugto ng kasaysayan, may mga taong nanungkulang ginamit ang kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan. Ngunit may iisang tinig na hindi kailanman tumahimik, at ito ang tinig ng Simbahan na naninindigan para sa katarungan, katotohanan, at kabutihan.
Ang katiwalian ay hindi simpleng pagkakamali; ito ay kasalanang bunga ng kasakiman at kasinungalingan, na gawa ng demonyo upang sirain ang bayan at ang dangal ng tao. Ngunit ang liwanag ni Kristo ay hindi matatalo ng kadiliman, at ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat tumiklop sa takot.
โHuwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman, sa halip ay ibunyag ninyo ang mga ito.โ -Efeso 5:11
Kahit sino pa ang maupo sa trono ng gobyerno, ang Simbahan ay hindi nakikiisa sa gawa ng kadiliman. Ang paninindigan nito ay para sa Diyos at sa Kanyang katuwiran. Sa harap ng banta, paninira, o pananakot, hindi dapat matakot ang mga alagad ni Kristo. Tungkulin nating tumindig para sa dangal ng bayan at kalooban ng Diyos.
โAng katuwiran ay nagpapataas sa isang bayan, ngunit ang kasalanan ay kahihiyan ng alinmang bansa.โ -Kawikaan 14:34
Ngayong panahon ng panlilinlang at pagbaluktot ng katotohanan, mas kailangan ang mga Kristiyanong may paninindigan, may pananampalataya, at may puso para sa bayan. Tayo ay hindi tinawag para tumahimik, kundi upang magsalita sa ngalan ng Diyos na makatarungan, at ng bayang patuloy Niyang minamahal.
โMagsalita ka para sa mga hindi makapagsalita para sa kanilang sarili; ipagtanggol mo ang karapatang pantao ng lahat ng mahihirap.โ -Kawikaan 31:8
MANALANGIN TAYO: Panginoon, turuan Mo kaming tumindig sa gitna ng katiwalian. Huwag Mo kaming hayaang matakot sa makapangyarihan, kundi bigyan Mo kami ng lakas upang ipaglaban ang katotohanan. Ikaw ang aming Diyos mula noon, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.