28/11/2025
Ito na ang ikatlong graft & corruption case na isinampa sa Office of the Ombudsman laban kina Gov. Daniel Fernando and VGov. Alex Castro. Ang una ay tungkol sa ₱500-Million river dredging contract. Ang pangalawang kaso ay isinampa naman ng MetroNEWS tungkol sa pagpapatupad ng isang Provincial Tax Ordinance na nagtataaa ng amilyar (real property tax) sa buong Lalawigan na ayon sa complaint ay iligal dahil Hindi dumaan sa tamang proseso ng publication (RA 9184) na mandatory ayon sa Local Government Code, RA 7160.
Bulacan Gov. Fernando at Vice Gov. Castro, inireklamo sa Ombudsman dahil sa kapabayaan sa flood control at quarrying
Naghain ang grupong Tindig Kalikasan ng administrative at criminal complaint sa Ombudsman laban kina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alexis Castro dahil sa umano’y gross negligence, evident bad faith, at manifest partiality sa pamamahala ng flood control projects at regulasyon ng quarrying. Ayon sa grupo, bilyun-bilyong piso ang inilaang pondo ngunit patuloy pa ring lumulubog sa malawakang pagbaha ang San Rafael, Angat at Norzagaray, kabilang ang lumubog na halos 1,500 ektaryang sakahan na dahilan ng paglikas at perwisyo sa mga residente.
Tinukoy ng grupo ang natuklasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa umano’y “ghost projects,” kabilang ang P96-milyong d**e rehabilitation sa Calumpit na iniulat na kumpleto ngunit substandard at hindi pa tapos. Giit nila, ang pag-amin ni Fernando na “hindi niya nararamdaman” ang epekto ng flood control projects ay nagpapakita ng kakulangan sa pagpapatupad at pangangasiwa.
Bukod dito, inakusahan din ng Tindig Kalikasan ang dalawang opisyal ng pagkakasangkot sa isang quarrying scheme sa ilalim ng flood control program, kabilang ang umano’y exclusive arrangement sa Toreja’s Construction Supply Corp. (TCSC) noong 2024 nang walang public bidding. Binigyang-diin nila ang selective enforcement matapos arestuhin ang maliliit na operator pero hindi ang malalaking quarrying operators, pati na rin ang deforestation sa Sierra Madre na nagpapalala umano ng landslide, siltation at pagbaha.
Iginiit ng grupo na may direktang pananagutan sina Fernando at Castro sa pagmomonitor at pag-apruba ng mga proyektong may epekto sa kalikasan, alinsunod sa Local Government Code. Hiniling nila sa Ombudsman ang pagsasagawa ng imbestigasyon, pag-file ng kaso sa ilalim ng RA 3019 at RA 6713, preventive suspension ng dalawang opisyal, at pansamantalang pagpapatigil at pagrerepaso ng lahat ng quarrying at flood control contracts ng kapitolyo.
Ayon sa grupo, “panahon na upang managot” si Gov. Fernando at Vice Gov. Castro dahil sa patuloy na pinsalang dulot ng baha at pagkasira ng kalikasan sa Bulacan.