17/03/2026
BALIK SA PORMA
12 humataw sa 2026 RSPC,
3 biyaheng-Ormoc City sa Abril
IPINAMALAS ng mga mag-aaral ng Dibisyon ng Mandaluyong ang kanilang galing sa pamamahayag sa iba’t ibang kategorya matapos magwagi sa nakaraang NCR Regional Schools Press Conference (NCR-RSPC) sa University of Perpetual Help System DALTA sa Las Piñas, Marso 14.
Tatlong mag-aaral mula sa elementarya at sekundarya ang nakasungkit ng unang puwesto at makakasama sa National Schools Press Conference (NSPC) sa Ormoc City, Leyte sa Abril 13-17, 2026.
Nasungkit ni Camilla Ruiz D. Mislos ng Pleasant Hills Elementary School (PHES) ang unang puwesto sa Copyreading and Headline Writing habang kapwa nanguna naman sa sekundarya sina Kevin James P. Texon at Aimee Cassandra A. Balatbat ng City of Mandaluyong Science High School (CMSHS) sa Pagwawasto at Pag-uulo ng Balita at Feature Writing, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa tatlong tutungtong sa entablado ng NSPC, siyam na mag-aaral naman mula sa elementarya at sekundarya ang nakasama sa top 5 ng RSPC individual categories.
Sa elementarya, naglista ng tatlong panalo ang dibisyon, kabilang sina Ezekiel Roi A. Belarmino, ikalawa sa Copyreading and Headline Writing; Princess P. Santos, ikalawa sa Pagwawasto at Pag-uulo ng Balita; at Nathan Matthew B. Casili, ikaapat na puwesto sa Pagsulat ng Balitang Isports.
Dinagdagan naman ito ng anim na panalo ng mga mag-aaral sa sekondarya na sina Jharyl C. Pinca, ikatlo sa Sports Writing; Hanz Effren G. Abantao II, ikaapat sa Editorial Writing; Marc Richard P. Octa, ikaapat din sa Pagguhit ng Kartung Editoryal; Gabriel Mark M. Agan, ikalima sa Sports Writing; Jairus Caden A. Accad, ikalima sa Column Writing, at Mary Rozette P. Reposar, ikalima naman sa Pagguhit ng Kartung Editoryal.
Sa kabuoan, mayroong 12 mag-aaral mula sa pinagsamang elementarya at sekundarya na nakasungkit ng parangal sa indibidwal na kategorya ng RSPC.
Bunga ng mga parangal na nakamit ng mga mag-aaral, itinanghal ang Dibisyon ng Mandaluyong bilang ikalima sa Overall Top Performing Division na pinagsamang elementarya at sekundarya, nangunguna bilang Top Performing Division sa group events ng elementarya, ikaapat sa parehong individual and group combined at group events, at ikalima sa Overall Top Performing Division sa pinagsamang elementarya at sekundarya. I via Kevin James P. Texon, CMSHS