03/07/2025
APLIKANTE STORY #2
Sa gitna ng pagsubok, minsan pag-asa at panalangin na lang ang sandigan. Kailangan mong sumugal, kahit walang kasiguruhan.
Ako ang pang-sampu sa labing-isa naming magkakapatid. Sa isang maliit at masukal na baryo sa bukid kami lumaki, kung saan ang ulan ay kadalasang sinasabayan ng gutom, at ang araw ay nangangahulugan ng trabaho, hindi pahinga. Minsan, saging lang ang baon ko sa eskwela — walang ulam, walang pamasahe, walang kahit ano. At kapag oras na ng pagkain, lumalayo kami ng kapatid ko — dahil hindi namin kayang makita ang sarili naming pinagtinginan habang nagbabalot ng kanin na walang kahit patak ng ulam.
Sanay ako sa hirap — sa putik ng palayan, sa init ng araw, sa mga yabag ng pagod na paa sa pagitan ng taniman. Kapag walang makain, nangingisda kami sa sapa — para kahit papaano, may maiuwing ulam. Ang tubig na iniigib ko mula sa tindahan, nilalakad ko ng ilang kilometro — para lang may kaunting alat ang aming hapunan.
Hindi naging madali. Pero kinailangan.
Noong high school ako, madalas akong hindi puma*ok para lang makatulong sa pag-ani ng palay. Sa kolehiyo, kahit butas-butas ang sapatos ko at minsan ay walang makain buong araw, patuloy akong lumaban. Nagpapasalamat ako sa mga kapatid kong nag-abot ng kahit kaunting tulong — sapat lang para makatawid sa isang linggo. Naging Governor pa ako ng College of Criminal Justice System, at sabay na Vice President ng buong campus — kahit halos wala na akong pahinga, at halos wala na akong lakas.
Working student ako habang sabay na nag-aaral at aktibo sa Advance ROTC. Umaabot kami ng alas-dos ng madaling araw sa trabaho, tapos papa*ok ng alas-sais. Madalas, puro kape lang ang laman ng tiyan ko. Pero sa awa ng Diyos, nakatapos ako. Naging iskolar ako sa isang review center, pero hindi ko ito natapos — dahil habang naghihintay sa board exam, sinubukan kong sumugal sa AFPSAT. At doon nagsimula ang bagong kabanata ko.
Wala akong koneksyon. Wala akong kakilala. Pero tinaya ko ang lahat — tumawid ako mula Bohol papuntang Cebu para lang makapag-exam. Sugal 'yon. At kahit walang kasiguruhan, pinilit ko. Tuwing gabi, tumatakbo ako ng 10km kahit pagod na pagod na ako, dahil alam kong kailangan ko 'to para sa PFT.
"If you fail to prepare, you prepare to fail" — paulit-ulit ko 'yang iniukit sa puso ko habang nanginginig sa pagod at luha.
Sa loob ng OCS, halos wala akong tulog. Kailangan mong tibayan ang katawan, utak, at damdamin. Salamat sa PLDS — Platoon Leader Development System — malaking tulong ito sa akin, lalo na sa panahong halos gusto ko nang sumuko.
Sabi ng iba, may backer daw ako.
Natawa ako, pero sa totoo lang, medyo masakit. Kasi kung alam lang nila ang lahat ng tiniis ko. Sinabi pa ng isa na handa siyang magbayad para lang magkaroon ng "backer" tulad ko. Ang sabi ko, meron naman talaga akong backer — at Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat — ang Diyos. ☝️☝️☝️
Wag mong maliitin ang kapangyarihan ng panalangin. Dahil sa panahong wala ka nang makapitan, Siya lang ang natitira.
Alisin na natin ang paniniwalang “kapag wala kang backer, wala kang pag-asa.” Dahil kung 'yan ang iisipin mo, natalo ka na kahit hindi ka pa nagsisimula.
Sumugal ako, kahit wala akong kasiguruhan. Wala naman akong yaman, koneksyon, o impluwensya — pero sinubukan ko. At higit sa lahat, ipinagdasal ko.
Dahil ang Diyos ang may hawak ng lahat ng laban.
2LT JESSE L CUARTEROS PA
_____________________________________________
2LT JESSE L CUARTEROS PA is a true example of faith and perseverance.
He took a chance despite having no certainty — no connections, no wealth, but full of prayer and determination. He proved that in life, you don’t need a guaranteed win; you just need to believe, take action, and trust in God.
If you're interested in sharing your story, feel free to send us a message thru email: [email protected] and submit your entry.
We’d be honored to feature your inspiring journey to help uplift and encourage others along the way!
CTTO