13/09/2025
Ang Sabang para sa akin ay hindi lang isang beach. Ito ay isang lugar na may puso, na pinuno ng mga alaala mula sa aking pagkabata. Dito kami tumira sandali, pagkatapos naming manirahan sa Puerto Galera para sa restaurant business ng pamilya. It was a short time, but sapat na para itatak ang mga masasayang sandali na hindi ko malilimutan. ❤️ Nakatira pa rin naman kami sa Sabang Afterwards na magpalipat lipat kami kaya lang sa medyo tahimik na place. ❤️
Ang pinaka-highlight ng araw namin ay ang paglangoy sa beach. Noon, napakalinaw at napakalinis pa ng tubig. Hindi pa siksikan ang mga bangka at motorboat. At dahil motorboat ang pangunahing transportasyon papunta sa Puerto, madalas na may mga naka-park na bangka pagsapit ng alas-dose ng tanghali. Ito ang favorite pastime namin ng mga kalaro ko. Pag walang bantay, tumatalon kami sa bangka o kaya'y kumakapit sa mga "wings" nito at naglalaro sa tubig. Napakasimple, pero napakasaya.
Ang mga kalsada noon ay hindi pa sementado. Konting jeepney lang ang dumadaan dahil pag umulan, nabaon agad sa putik. Pero ayos lang, dahil mas marami kaming oras para mag-explore. Tuwing low tide, abala kaming naghahanap ng mga kabibe at maliliit na alimango. Hindi ko na matandaan ang tawag doon, pero ang sarap sa pakiramdam na mahanap ang mga iyon.
Minsan, may iilang turista ang napapadpad sa Sabang. At dahil curious ang mga bata, sinundan namin sila at nagbibiro ng, “Hey, Joe, give me one peso!” Hindi sila nagagalit, natatawa pa nga sila. May mga painters din na dumating at naisip akong gawing modelo. Isipin mo, ako, isang paslit, ay nakita ng isang artist na karapat-dapat ipinta. It was a big deal for me!
Alam ko, ang pagbabago ay bahagi ng buhay. Maganda ang pag-unlad ng Sabang ngayon, pero hindi ko maiaalis sa sarili ko na mag-nostalgia para sa Sabang na nakagisnan ko. Ang Sabang ng pagkabata ko ay isang lugar na may malinis na tubig, mga putik na kalsada, at walang katapusang laro sa tabing-dagat. Hindi man ito perpekto sa mata ng iba, pero para sa akin, ang mga alaaala na iniwan nito ay walang katumbas. Sobrang priceless.
Kaya kahit anong pagbabago ang dumating, ang mga matatamis na alaala na iyon ay mananatiling buhay sa puso ko. Ang Sabang ng nakaraan ay hindi lang basta nakaraan; ito ang bumuo sa akin at nagbigay ng mga alaaala na kailanma'y hindi ko makakalimutan.