19/02/2025
Gunggong
Pinangangambahan ng ilang eksperto na maaaring humantong sa pagsupil ng gobyerno sa malayang pagpapahayag ang ninanais na regulasyon ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na naglalayong gawing requirement ang congressional franchise para sa mga social media platforms sa bansa.
Ayon kay Barbers, layon ng panukala na bigyan ng mas malinaw na regulasyon ang social media upang labanan ang paglaganap ng fake news at matiyak na ang gobyerno ay kumikita rin mula sa kanilang operasyon.
“We want to make sure that it’s not just the platforms that make money but also the Philippine government.”
Ngunit ayon sa ilang eksperto, ang pagkakaroon ng prangkisa ay maaaring magbigay ng labis na kapangyarihan sa gobyerno upang kontrolin ang operasyon ng social media at maaaring gamitin ito upang patahimikin ang mga kritiko ng isang gobyerno.
Halimbawa, sa Germany, ang pagpasa ng Network Enforcement Act (NetzDG) ay nagdulot ng kritisismo mula sa iba’t ibang grupo. Ayon sa Reporters Without Borders (RSF), ang batas na ito ay maaaring “malubhang makasira sa mga pangunahing karapatan sa kalayaan ng pamamahayag at pagpapahayag.”
Sa Singapore, ang pagpapatupad ng Protection from Online Falsehoods and Manipulation Act (POFMA) noong 2019 ay nakatanggap din ng batikos mula sa mga human rights groups at organisasyon para sa kalayaan sa pagpapahayag. Ayon sa Human Rights Watch, ang batas na ito ay “may depekto” at maaaring humantong sa “hindi makatwirang, malawakang censorship.”
At dito nga sa Pilipinas, ang iminungkahi ni Congressman Barbers ay nagdulot ng pangamba mula sa mga eksperto tulad nina Karl Patrick Mendoza ng Polytechnic University of the Philippines at Danilo Arao ng University of the Philippines. Ayon sa kanila, ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng panganib sa kalayaan sa pagpapahayag sa bansa.
Nangagamba ang ilang Pilipino na Kapag nasa ilalim ng gobyerno ang prangkisa ng social media, maaari nilang i-revoke ito anumang oras sa kadahilanang maaaring arbitraryo, lalo na kung may lumalabas na kritisismo laban sa kanila.
Dagdag pa ng mga eksperto, sa ibang bansa kung saan may mahigpit na regulasyon sa social media, tulad ng China at Russia, ginamit ang ganitong mga patakaran upang patahimikin ang dissent at pigilan ang pagpapalaganap ng impormasyong hindi pabor sa pamahalaan.
Sa parehong pagdinig, ipinaliwanag ni YouTube representative Atty. Yves Gonzalez na hindi Google Philippines ang direktang nagpapatakbo ng YouTube sa bansa, kaya’t ang buwis na kanilang binabayaran ay limitado sa local entities.
“The platform is not operated by the local entity… Google LLC (YouTube’s parent company) does.”
Dahil dito, lumilitaw na maaaring hindi madaling ipatupad ang panukalang regulasyon, lalo’t maraming social media platforms ay may global operations.
Habang sinasabing para sa kapakanan ng publiko ang regulasyong ito, nananatili ang pangamba na maaari itong maging daan para sa government overreach at paglimita sa malayang pagpapahayag.