30/05/2025
𝗣𝗿𝗶𝗻𝗰𝗲 𝗝𝗵𝗼𝗻𝗿𝗲𝘆 𝗠𝗮𝗰𝘂𝗵𝗮, 𝘆𝘂𝗺𝗮𝗯𝗮𝗴 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗵𝗶𝗴𝗵 𝗷𝘂𝗺𝗽 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗹𝗮𝗿𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝟮𝟬𝟮𝟱, 𝗶𝗻𝘂𝘄𝗶 𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗿𝗼𝗻𝘇𝗲 𝗺𝗲𝗱𝗮𝗹
Tumalon noon, Lumipad ngayon!
Umuukit na sa kasaysayan ng Palarong Pambansa 2025 si Prince Jhonrey Macuha, isang Grade 11 mula sa Federico A. Estipona Memorial High School (FAEMHS) ng Masbate, Region V. Sa isang pambihirang pagtatanghal ng husay at determinasyon, matagumpay niyang nilampasan ang sunod-sunod na taas mula 1.60 metro hanggang sa kahanga-hangang 1.95 metro sa High Jump finals, na ginanap nitong Mayo 29 sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium dito sa Laoag City, Ilocos Norte.
Hindi nagpaawat ang batang atleta mula sa Masbate na sunod-sunod na tinawid ang bawat bar height, sa harap ng umaatikabong hiyawan ng mga manonood. Sa bawat talon, kasamang lumundag ang pag-asa ng kanyang mga tagasuporta hanggang sa naabot niya ang 1.95m mark na nagselyo sa kanyang 3rd place finish.
Mula sa simula ng kompetisyon, malinaw na ipinamukha ni Macuha ang kaniyang kahandaan. Walang bahid ng pagdududa, flawless niyang nilampasan ang mga unang bar heights na 1.60m, 1.65m, at 1.70m, hudyat ng kaniyang dominasyon. Habang unti-unting tumataas ang bar, lalong nagningning ang galing ng batang atleta mula sa Masbate.
Sa bawat pagtalon, na may tamang timing sa take-off at ang husay ng kaniyang Fosbury Flop technique, matagumpay niyang nilampasan ang 1.75m, 1.80m, at 1.85m.
Mistulang lumilipad na agila ang atleta sa bawat pag-angat ng bar height, nagpapakita ng bagsik sa ere at ginalingan ang landing, habang umaalingawngaw ang palakpakan at hiyawan ng mga manonood.
Nang tanungin tungkol sa kanyang paghahanda para sa Palarong Pambansa, simple lang ang tugon ni Macuha, "Ensayo at focus lang po sa laro." maikli ngunit makahulugang pahayag na sumasalamin sa kanyang dedikasyon.
Ang tensyon ay bumalot sa stadium nang harapin ni Macuha ang 1.90m at ang matinding hamon na 1.95m. Sa kabila ng pagod at presyon, ipinakita niya ang klase ng atletang may pusong mandirigma—matatag, determinado, at hindi sumusuko.
Ang kaniyang matagumpay na clearance sa 1.95m, na lumampas sa kanyang personal best na 1.85m, ay nagselyo sa kaniyang panghuling posisyon bilang ikatlo sa pambansang entablado.
Nang tanungin kung ano ang kaniyang pakiramdam na siya ang isa sa mga pinalad na manalo sa dami ng mga kalahok, sinabi ni Macuha na siya ay masaya at patuloy lamang siyang lalaban hangga't may lakas siyang maibibigay.
Umani ng malaking respeto mula sa kapwa atleta ang kanyang dedikasyon at ang kanyang mensahe ay naging inspirasyon "Ensayo lang nang ensayo, maaabot din yan. Tiwala lang sa ating talento. God will bless your hard work."
Hindi rin napigilan ang pagiging emosyonal ng mga magulang ni Prince. Sa isang panayam matapos ang laban, buong puso nilang ibinahagi, "Proud na proud kami at masayang-masaya na nakapasok siya sa final 3 ng pambansa. Anuman ang pagsubok na dinaanan namin, masasabi kong mahal na mahal namin si Prince dahil natupad niya ang pangarap niyang makapaglaro sa Palarong Pambansa."
Mula sa tahimik na probinsya ng Masbate, ipinamalas ni Prince sa pambansang entablado ang tunay na kahulugan ng dedikasyon, lakas ng loob, at pagmamahal sa laro.
Ang kaniyang tagumpay ay hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi para sa buong Region V at sa lahat ng kabataang nangangarap. Walang duda, isa siyang inspirasyon sa mga atletang nagnanais na sa bawat talon, may mas mataas pang mararating, at patunay na ang sipag at tiyaga ay susi sa pag-abot ng mga pangarap.
✍🏻 Mariel Mortel
🖼️ Julliana Emm Pacis