21/08/2026
Usap-usapan online ang hiring post ni entrepreneur at content creator na si Rosmar Pamulaklakin matapos siyang maghanap ng mga taong maaaring tumulong sa pagbalot ng parcels sa Tagaytay.
Sa kaniyang post, sinabi ni Rosmar na ₱1 bawat parcel ang bayad para sa mga magbabalot. Ibig sabihin, kung makapagbalot ng 2,000 parcels, maaaring umabot sa ₱2,000 ang kikitain batay sa rate na kaniyang inilatag.
Ayon sa kaniyang hiring post:
"Looking for magbabalot ng parcel. Piso per parcel kaya kung maka 2kparcel ka 2k ang for you. Pm Rosmar Mai or Revilla tagaytay loc. Ung malapit lang kasi stay out only. Ung kaya today mag start.Kahit ilan kayo. basta mabilis mag balot."
Nilinaw rin niya na maaaring maramihan ang mag-apply, basta mabilis sa pagbalot, at mas nais umano niya ang mga nakatira malapit sa lugar dahil stay-out ang trabaho.
Kalaunan, ibinahagi rin ni Rosmar na 54 katao umano ang dumating o papunta sa R Mansion Tagaytay Hotel & Resort para tumulong sa pagbalot ng parcels.
"Grabe 54pax ang dumating at otw pa sa R Mansion Tagaytay Hotel & Resort para mag balot ng parcels natin. 🥰💖 Depende sa bilis at kasipagan ang rate. Kung maka 1k parcel ka per day 1kpesos ang para sayo. Para sa mga tambaaay at walang work. Nahihirapan sa mga requirements laking tulong daw to para sakanila. Na iniisip ang pang araw araw."
Sa isa pa niyang update, sinabi niyang halos 60 katao na umano ang naroon, habang may iba pa na naka-standby. Hiniling din niya sa mga hindi pa nakakapag-coordinate sa kaniya na huwag munang mag-walk in upang maiwasan ang overcrowding at mabigyang-prayoridad ang mga naunang nakumpirma.
"Almost 60 people are already here, and may iba pa na naka-standby sa list.
Sa mga wala pa dito at hindi pa nakapag-coordinate sa akin, please hold off muna sa pag-walk in and call para maiwasan ang overcrowding. 🙏🏻💗
Priority muna ang mga na-confirm earlier. Thank you so much for your patience and understanding!"
Samantala, naging hati ang reaksiyon ng mga netizen sa naturang job opportunity. May ilan na nagsabing maaaring makatulong ito sa mga naghahanap ng panandaliang trabaho, habang mayroon din namang kumuwestiyon sa halagang ₱1 kada parcel.
Ctto