25/10/2025
DAR Nagkaloob ng mga Titulo ng Lupa at ₱61.2-M Pagpapatawad ng Utang Upang Mapalakas ang 5,700 Magsasaka sa Northern Mindanao
Cagayan de Oro City – Tinatayang 5,700 agrarian reform beneficaries (ARBs) mula sa iba’t ibang lalawigan ng Northern Mindanao ang tumanggap ng kanilang pinakahihintay na mga titulo ng lupa at sertipiko ng pagpapatawad sa utang mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa ginanap na Stakeholders’ Forum noong Oktubre 22 sa The Atrium, Limketkai Center, Cagayan de Oro City.
Pinangunahan ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang seremonya, kasama ang mga Undersecretary, Assistant Secretary, at iba pang matataas na opisyal ng kagawaran. Ipinakita nito ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na bigyang-kapangyarihan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng tunay na pagmamay-ari ng lupa at kalayaan sa pagkakautang.
Saklaw ng pamamahagi ang 6,235.23 ektarya ng lupang agrikultural, na nagsisilbing isa na namang mahalagang tagumpay sa layunin ng DAR na tiyakin ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa at mapaangat ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.
Bukod dito, 1,026 ARBs ang napagkalooban ng kalayaan sa utang, sa halagang ₱61.26 milyon, sa pamamagitan ng Certificates of Condonation and Release of Mortgage (CoCROMs) na sumasaklaw sa 1,446.07 ektarya.
Panglalawigang Distribusyon sa Northern Mindanao
Bukidnon: 3,863 ARBs | 3,558.97 ektarya
Camiguin: 158 ARBs | 79.94 ektarya
Lanao del Norte: 263 ARBs | 534.20 ektarya
Misamis Occidental: 686 ARBs | 646.60 ektarya
Misamis Oriental: 818 ARBs | 1,415.53 ektarya
Distribusyon ng mga Titulo ng Lupa
Regular EPs/CLOAs: 211 ARBs | 268.42 ektarya
E-Titles (Project SPLIT): 4,551 ARBs | 4,520.74 ektarya
CoCROMs (Pagpapatawad sa Utang): 1,026 ARBs | 1,446.07 ektarya | ₱61.26 milyon napawalang-utang
Muling pinagtibay ni Estrella ang paninindigan ng DAR para sa kapakanan ng mga magsasaka: “Ang mga titulong inyong natanggap ay walang amortisasyon. Libre ang lupang ito para sa mga magsasaka, kalakip ng tuloy-tuloy na suportang serbisyo mula sa pamahalaan. Sa ating mga magsasaka, kumapit lang kayo. Huwag sumuko. Narito ang DAR, at hindi kami titigil hangga’t hindi umaangat at umuunlad ang ating mga magsasaka,” ani Estrella.
Para naman sa mga ARB, ang araw na ito ay makahulugan at nagdulot ng matinding kagalakan matapos ang mahabang paghihintay.
“Pagkatapos ng 30 taon, natanggap ko na rin at nakapangalan na sa akin ang titulo ng lupa na matagal ko nang pinapangarap,” ani Andreo Dorias mula sa Ozamis City.
“Malaking tulong at ginhawa sa aming pamumuhay ang tinanggap naming CoCRoM dahil wala na kaming babayarang utang sa lupang ipinagkaloob sa amin ng pamahalaan,” wika naman ni Arnel Omandam mula sa Misamis Occidental,
Sa pamamagitan ng kaganapang ito, hindi lamang lupa ang naibigay ng DAR kundi dangal, kalayaan, at bagong pag-asa sa libo-libung magsasaka ng Northern Mindanao — isang hakbang tungo sa mas maunlad at matatag na kanayunan.