28/01/2025
𝐂𝐑𝐄𝐀𝐓𝐈𝐕𝐄 | Ang Binondo, mga Tsino, at mga Pilipino.
Sa mga kanto ng Binondo, ang hangin ay hindi lang amoy ng dimsum at tikoy. May kasamang alingawngaw ng nakaraan—mga bakas ng mga digmaan, mga alitan, at mga kwentong hindi madaling mapawi. Ito'y lugar na puno ng mga alaala ng digmaan at pagsasama, ng mga paalam at muling pagkikita. Kung ang bawat kanto at kalye ng Binondo ay may sariling kuwento, ito'y sa dalawang lahing magkasabay na naglakbay, magkaakibat sa isang landas na puno ng mga sugat at pagkatalo.
Nguit sa kabila nito, patuloy itong lumilipad tulad ng mga parol na sumasayaw sa hangin tuwing Chinese New Year, parang nagsasabi, "Wala kahit anong hidwaan, ako Chinese, ikaw Pinoy, tayo pareho tao, tayo magsalo." Pero baka hindi lang nila nakikita ang bagyo sa West Philippine Sea, at 'yung mga alon ng alitan sa pagitan ng dalawang bansa.
Gayumpaman, ang mga Tsino at Pilipinong naglalakad sa mga makulay na kalsada nito ay parang magkaibang lasa ng lumpiang shanghai at lumpiang sariwa—magkaibang timpla, ngunit sa isang pinggan ay magksamang mabubudburan ng alat ng toyo. Ang mga tindahan na puno ng mga gamit na yari sa kahoy at mga alahas mula sa Tsina ay patuloy na nag-aalok ng alaala, kahit na ang mga namimili’y may dalang mga saloobin ng mga taon ng hindi pagkakaunawaan. Isang magkahalong pait at tamis sa bawat kagat, tulad ng tikoy na matamis ngunit tumitigas kapag hindi maingat.
At sa kabila ng mga alitan at mga hindi pagkakasunduan, patuloy na nagsisilbing simbolo ng pag-asa ang Binondo—parating may isang tasa ng tsaa, isang kagat ng dimsum, at isang subo ng lumpiang shanghai. Kasi, kung isipin mo, kahit gaano man kahirap sa Pilipinas, parati kong hahanapin ang lumpiang shanghai sa bawat handaan.
Hindi man perpekto ang pagkakaibigan, parang pancit na laging may dagdag na saucy twist, ang mga Tsino at Pinoy ay patuloy na nagsasama tuwing Chinese New Year sa Binondo—nagkakaisa sa bawat pagdiriwang, kahit may mga pagkaing may konting hinagpis. Bawat kanto, bawat tindahan, at bawat bahay rito ay nagpapaalala na kahit magkaibang flavor, parehong masarap kapag magkakasalo ang pagkatao.
At sa kabila ng mga alitan sa West Philippine Sea, kung saan ang mga dagat may halo nang dugo ng mga sundalo ng magkabilang bansa, ang Binondo ay patuloy na nagsisilbing paalala na ang tunay na halaga ng pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa mga hangganan ng dagat o sa mga mapa ng kapangyarihan. Parang feng shui—minsan ang mga bagay ay hindi sumusunod sa inaasahan, ngunit may tamang balanse na matatagpuan sa mga simpleng bagay: sa lumpiang shanghai. Kahit pa may mga alon ng tensyon sa pagitan ng mga bansa, natutunan ng mga tao na may mga relasyon na mas mahalaga kaysa sa anumang teritoryo.
Sa bawat taon, tulad ng isang horoscope na nagbibigay pag-asa, natututo silang tanggapin ang mga pagkakaiba at magsama para sa isang mas maliwanag na hinaharap. Kaya’t sa bawat hapag ngayong New Year, sa bawat subo ng tikoy, may isang mensahe: kung ang mga tao ay kayang magtulungan, magpatawad, at magsama sa kabila ng lahat ng alitan, baka isang araw, ang tunay na layunin ng China Town sa Pinas ay magtagumpay, hindi sa mga agawan ng teritoryo, kundi sa pamamagitan ng pakikipagkapwa-tao.
Happy Chinese New Year sa lahat!
| sa panulat ni Kenma
| mga pitik ni Manny Boy T. Eslopor (https://www.facebook.com/thrasherlook)