01/10/2025
Sinubukan niyang ayusin ang relasyon namin.
Nagpaliwanag siya na hindi raw niya naisip na gano'n na pala kalalim ang sama ng loob ko.
Para sa kanya, mga simpleng rant lang ang mga sinasabi ko noon, dala lang ng pagod sa trabaho at sa pag-aalaga ng anak namin.
Hindi niya alam, bawat salitang akala niya ay pagod lang, ay sigaw na pala ng puso kong unti-unting lumalayo at nauubusan ng pagmamahal.
Kasi kahit kailan, hindi niya ako tunay na pinakinggan.
Napagod ako.
Napagod sa paulit-ulit na cycle na ako ang laging nag-aadjust, ako ang nag-iintindi, ako ang bumubuhat ng halos lahat ng responsibilidad.
Napagod akong maging malakas para sa aming dalawa, habang siya naman ay tila dumadaan lang, parang bisita sa buhay na dapat ay binubuo naming magkasama.
Napagod akong maramdaman na mag-isa ako sa isang relasyong dapat ay para sa dalawang tao.
Kaya kahit anong paliwanag ang gawin niya ngayon, malinaw na sa akin ang desisyon ko mas magiging maayos ako, at mas magiging maayos kaming mag-ina, kung kami na lang dalawa.
Ngayon, co-parenting ang set-up namin.
Nagbibigay siya ng suporta para sa gatas at diaper, at bumibisita kapag may oras para isama ang bata sa mall.
Pagdating ng hapon, vuwi rin siya sa Batangas.
Tahimik.
Payapa.
Pero aaminin ko sa mga gabing tahimik, hindi pa rin nawawala ang luha ko.
Lalo na kapag tinatanong ako ng anak ko kung nasaan ang papa niya, o kapag naririnig kong namimiss na niya ito.
Masakit sa isang ina na makita at marinig iyon.
Masakit dahil gusto kong ibigay ang buong mundo sa anak ko, pero hindi ko kayang ibalik ang isang pamilyang buo kung ang kapalit ay ang sarili kong kapayapaan.
Sa huli, pinipili kong ipagdasal na darating ang panahon na maiintindihan ng anak ko ang desisyon ko.
Ginawa ko ito para sa kanya para maramdaman niya ang presensyang isang inang may peace of mind, matatag ang mental health, at may tunay na ngiti sa labi.
Dahil ang hiling ko lang ay ang ikabubuti niya, ang kasiyahan niya, at higit sa lahat, maramdaman niyang sobra siyang mahal.