
16/08/2025
''Hindi Lahat ng Nalulubog sa Utang ay Wasto ang Hatol ng Lipunan"
Kapag narinig natin na may isang taong baon sa utang, madalas mabilis ang ating paghusga. “Gastos nang gastos.” “Nagpa-impress kasi.” “Hindi kasi marunong mag-ipon.” Pero kung minsan, masakit man tanggapin, pero mali ang akala natin.
Dahil hindi lahat ng utang ay bunga ng luho o yabang.
Minsan, ang mga taong nalulubog sa utang ay sila ring mga taong palaging inaasahan, palaging takbuhan, at palaging sumasalo. Sila yung laging tinatawag tuwing may kailangan, pang-tuition, panggamot, pangkain, pambayad ng renta. Hindi dahil sila ang may sobra, kundi dahil sila ang may pusong hindi marunong tumanggi.
Sa bawat araw, dala nila ang mabibigat na responsibilidad hindi lang para sa sarili, kundi para sa pamilya, sa kaibigan, sa mga mahal sa buhay. Kahit wala na silang natitira para sa sarili nila, patuloy pa rin sila sa pagbibigay. Kahit ang sahod nila ay dumadaan lang sa kamay, agad ding nawawala para sa pangangailangan ng iba.
Kaya kapag sinasabihan mo ang isang tao ng, “Mag-ipon ka naman,” subukan mo ring intindihin:
Anong ipon ang maiiwan kung ang bawat piso ay may nakalaang taong kailangang tulungan?
Anong pangsariling pangarap ang maaalagaan kung ang tanging iniisip nila ay kung paano magkasya ang kakarampot na pera sa napakaraming kailangang sagutin?
Hindi nila ito ginagawa dahil gusto nila. Ginagawa nila ito dahil mahal nila ang mga taong umaasa sa kanila. Isang klase ng pagmamahal na hindi palaging naiintindihan, pero araw-araw nilang isinasabuhay.
Kahit pagod na, kahit ubos na, kahit baon na sa problema—tahimik lang silang lumalaban. Sa gabi, habang ang iba’y mahimbing ang tulog, sila naman ay gising, iniisip kung paano pagkakasyahin ang kulang, kung saan kukuha ng pambayad bukas, at kung paano sasabihin sa sarili na “Kaya pa.”
Minsan, ang natatanggap lang nila ay "thank you." Pero sa totoo lang, hindi lang “salamat” ang kailangan nila.
Kailangan din nila ng pag-unawa. Kailangan din nila ng tanong na bihira nilang marinig:
“Kamusta ka?”
Kamusta ang puso mo?
Kamusta ang pagod mo?
Kamusta ka bilang tao, hindi lang bilang tagapagbigay?
Kasi ang katotohanan, kahit sila ay malakas sa labas, madalas silang pinakanag-iisa sa loob. Walang nagtatanong kung sila ba ay may nararamdamang sakit. Walang nagtatanong kung sila ba ay may sariling pangarap. Walang nakakapansin na unti-unti na rin silang nauupos.
Kaya sana bago tayo humusga, matuto tayong makinig. Bago tayo magbigay ng payo, matuto tayong umintindi. At higit sa lahat, bago tayo humingi muli, matuto tayong magtanong:
“Kamusta ka talaga?”
Dahil baka sa simpleng tanong na ‘yan, maramdaman nilang may taong nagmamalasakit din sa kanila, hindi lang bilang tulay ng ibang tao, kundi bilang isang taong may karapatan ding mapagod, may karapatan ding huminga, at higit sa lahat, may karapatang maramdaman na mahalaga rin sila.
✍️CTTO