14/05/2025
"SAMPUNG BAGAY NA NATUTUNAN KO NANG MAGING NANAY AKO"
1. May mas masakit pa pala sa masasakit na karanasan mo noon. Masakit manganak! Mapa-normal delivery o CS pa yan, masakit manganak! At kinaya ko ito. Kinaya ko!
2. Impakto ang puyat. Kung akala mo natapos na ang lahat ng paghihirap mo sa panganganak, nagkakamali ka. Wala pa ang eyebags-na-tinubuan ng tao phase mo. Walang panahong matulog para sa bagong panganak, buhat-dede-paligo-buhat on repeat ang buong maghapon mo.
3. Nalulusaw ang ganda, tumatanda ang katawan. Lalaylay ang suso mo. Lalaki ang puson mo. Mababanat ang balat mo hanggang sa wala na itong ibabanat pa. Darating ka sa punto ng buhay mong iniiyakan mo ang katotohanang wala kang maisuot na damit. Parang lahat hindi kasya, lahat masikip, lahat wala sa tamang bagsak o kapit sa katawan mo. Walang brang magkasya sayo. Kailangan mong magpalit ng size ng panty. Walang blusang magkasya dahil laging naninikip sa dibdib. Papangit ang katawan ng isang nanay, gustuhin man niya o hindi. Pero mananatili itong tanda ng katapangan niya at pagpiling magluwal ng buhay sa mundo.
4. Duduwagin ka ng maraming bagay. Ang pagiging nanay ang nagbigay sa akin ng katakut-takot na takot. Takot ako sa a*o (at iba pang hayop), sa mga kanto, bagay na matutulis, hagdan, balkonahe, tiles, electric fan, electric socket, mesa, upuan, lamok, alikabok, at hinaharap. Pag nanay ka na, katatakutan mo lahat ng bagay na nakikita at hindi. Takot kang hindi maprotektahan ang anak mo, sa kahit anong bagay, kahit sa bagay na wala ka naman talagang kontrol.
5. Magiging mas matipid ka sa sarili. Ayaw mong gumastos para sa sarili, luho man o kahit kailangan pero kapag sa anak mo, walang tipid-tipid. Halos kalahati ng laman ng cart mo sa grocery ay pangmiryenda nila, gusto mo bago ang damit nila kapag birthday, pasko at bagong taon, hindi mo mapigilan ang sarili minsan kapag nakakakita ka ng sale ng damit pambata, ayos lang na repeat performance ang mga damit mo basta alam mong maayos at kyut na kyut silang mamumustura.
6. Matututo kang kumain lagi ng gulay. Kumakain naman ako ng gulay pero hindi palagi. Gaya ng lahat ng normal na tao, mas masarap naman talagang kumain ng prito at pagkaing inorder sa labas at mga pagkaing iniluto sa labas (sa may kanto, katabi ng sari-sari store kung saan nakakabili ng coke sakto), pero kapag may anak ka na, dahil kailangan mong mag-set ng good example, dadalasan mo ang kain ng masustansiya at aarteng ito ang pinakamasarap na pagkain sa buong mundo.
7. Mas matinding pagpapahalaga pala ang kailangan ng mga bagay na maliit. Sino bang mag-aakala na ang mga maliliit na kamay at paang ito ang magdudulot sa atin ng pinakamalaking kasiyahan sa buhay? At ang mga maliliit na taong ito rin ang pinakanangangailangan ng ating pagkalinga at pagmamahal para sa kanilang paglaki, alam nating kakayanin rin nilang ingatan ang sarili gaya ng pag-iingat at lubos na pag-aalaga sa kanilang kabuuan noong sila’y sanggol pa lang.
8. Magiging mas maawain ka. Kung dati, di ka tinatablan ng mga teleserye sa primetime, ngayon, iyak-iyakan pa lang at mukhang nagpapaawa ng anak mo, lumalambot na ang puso mo. Mabilis kang dalhin ng maliliit na yakap at mamasa-masang halik sa pisngi ng mga maliliit na taong ito.
9. Mas mahal mo ang mga magulang mo ngayon higit kailanman. Dati mo na naman silang mahal, pero naranasan mo na kung paano maging magulang, ngayon mo naiintindihan ang mga ginawa nila sayo noong bata ka pa. Malalaman mong walang perpektong magulang, pero walang magulang na hindi nagmahal sa anak. Laking pasasalamat mo rin sa kanila na nandyan sila para tulungan kang mag-alaga sa anak mo, kahit matanda na sila, kahit medyo uugod-ugod na sila. Alam mong alam nila ang hirap ng pag-aalaga ng bata, kaya maluwag sa kalooban nilang bantayan ang anak mo kahit sandali para makapunta ka kahit saglit sa parlor para makapagpa-manicure-pedicure-footspa o makapanuod man lang ng sine.
10. Magiging madasalin ka. Dati marunong ka lang magdasal kasi nagtapos ka sa Catholic school ng elementary at high school at nagagalit sa'yo ang nanay mo noong kolehiyo hanggang makapagtapos ka kapag madalas na hindi ka nakapagsisimba. Hindi ka pa rin naman palasimba ngayon (mahirap kasing bitbitin ang mga anak mo sa simbahan dahil bukod sa maingay, napakalikot nila) pero gabi-gabi kang nagdarasal na sana gabayan palagi ang mga anak mo. Na sana maging mababait na tao sila, yung lumaki silang mapagmahal, marunong makipagkapwa tao, maging masunurin, matalino, maging malusog at maging matatag kapag wala ka na para gabayan at alagaan sila.
Sa gabi, tuwing magdarasal ka, dala mo lahat sa puso mo ang saya, lungkot, at takot ng pagiging isang nanay, na walang hangad kundi sana bukas, bigyan ka pa rin ng lakas magpaka-nanay at pawiin lahat ng pagod na nararamdaman ng katawan at puso.