30/08/2022
P3.00 O P4.00 DAGDAG PASAHE, POSIBLENG MAISAPINAL SA UNANG LINGGO NG SETYEMBRE - LTFRB
Inaasahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mailalabas na nito sa susunod na linggo ang pinal na halaga ng dagdag pasahe sa jeep na matagal nang nakaplano.
Ayon kay LTFRB Chairperson Cheloy Velicaria-Garafil, pinag-aaralan pa nila kung P3.00 o P4.00 na piso ang ipatutupad na dagdag pasahe, depende sa resulta ng petisyon mula sa mga jeepney groups.
Noong Agosto 18 ay inatasan ng LTFRB ang mga ito na magpasa ng position paper tungkol sa magkanong halaga ng itataas ng pamasahe. Ang position papers ay kailangan nilang isumite sa loob lamang ng 15 araw.
Ayon kay Velicaria-Garafil, hanggang Setyembre 3 ay hihintayin nila ang ipapasang position paper ng mga jeepney groups at saka pa lamang sila makapagpapasya.
Aniya, asahan ang pinal na resolusyon sa rate hike petition sa una o ikalawang linggo ng Setyembre.
Bukod sa mga pampasaherong jeep, tinitingnan din ng LTFRB ang planong dagdag pasahe na nakabinbin pa sa ngayon kabilang ang may kaugnayan sa transportation network vehicle services (TNVS), taxi operators, point-to-point operators, UV Express services, at bus operators. - mnp