
10/06/2025
LITERARY | ‘Di Ko Na Kaya, Pero Wala Akong Pagpipilian
Napapagod na ’ko.
Hindi lang ’yung simpleng pagod na kayang ayusin ng tulog o kape. Ito ’yung pagod na gumagapang sa buto, sa isip, sa puso. Kahit huminga ka, mabigat pa rin. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili, “Kaya pa.” Pero totoo ba?
Araw-araw, ginagampanan ko ang mga papel na tila ipinilit sa akin—anak, estudyante, kaibigan, sandalan. Sa lahat ng ito, ako ’yung tahimik lang. Laging "okay lang." Laging "kaya pa." Pero sa loob-loob ko, umiiyak na ako.
Bakit kahit anong tulin, kahit anong bilis, hindi ako makahabol? Sipag, tiyaga, dugo’t pawis na may kasamang dasal. O baka kulang pa rin ako sa panalangin? Bakit kahit anong ibigay ko, walang sumasapat? Hanggang dito na lang ba talaga ’ko?
Pinipilit ang sarili na bumangon tuwing umaga. Pagod na ’ko—pero wala akong pagpipilian. Sa pangkaraniwang buhay na mayroon ako, hindi opsyon ang huminto. Hindi libre ang edukasyon, at hindi lang salapi ang kabayaran nito. Mga gabing walang tulog. Mga araw na papasok sa paaralan nang walang kain. Mga sulatin at babasahing hindi mo na mawari’t maunawaan. Mga pagsusulit na hindi mo na alam ang isasagot.
Ilang beses mo na bang nasabi sa sarili mong “ayaw ko na,” pero tinutuloy mo pa rin? Dahil wala ka namang pagpipilian. Ang magreklamo, wala raw magandang idudulot. Ang sumigaw, aksaya lang ng boses—dahil walang makakarinig.
Mga propesor, g**o, instraktor—tila isang roletang katinuan mo ang kabayaran sa pagkatalo. Pagbati sa mga nanalo: ang g**o ninyo ay may malasakit. “Welcome to Jumanji” para sa mga natalo. Pupunta na lang ako sa libing mo.
Matalino naman ako. Alam ko ’yun. May ibubuga naman ako. Kaya ko ’to. Hanggang sa makita kong... hindi pala.
Hindi pala sapat ang dugo’t pawis.
Hindi pala sapat ang may kakayahan lang.
Hindi pala sapat ang mga dalangin.
Hindi pala sapat ang mga gabing walang pahinga.
Gusto kong tumigil. Gusto kong magpahinga. Gusto kong umalis sa gulong ito. Pero wala akong pagpipilian. Dahil kapag tumigil ako, may babagsak. Kapag ako’y nawala, may mawawala. Parang kasalanan na ang umiyak, ang humingi ng tulong, ang maging mahina. Kaya kahit halos wala na akong lakas, pilit pa rin akong tumatayo.
Hindi dahil malakas ako.
Kundi dahil kailangan.
Kailangan kong maging matatag para sa iba, kahit ako mismo ay basag-basag na.
At sa gitna ng lahat ng ito, nananalangin akong marinig kahit minsan:
“Hindi mo kailangang kayanin mag-isa.”
Baka sakaling, balang-araw, may makarinig sa mga sigaw ko.
By: Icenford Stanley Salazar
Art: Räikkönen