03/09/2025
"Ang 100k na allotment ni Mario"
Seaman si Mario. Ilang buwan na siyang nasa barko, tinitiis ang pagod at pangungulila, para lang may maipadala buwan-buwan sa pamilya niya. 100k allotment. Para sa kanya, iyon ang bunga ng pawis, puyat, at pangungulila sa gitna ng dagat.
Sa isip niya, sapat na iyon. Pambayad ng bills, tuition ng mga anak, grocery, at kaunting ipon. Kahit hindi niya makasama ang pamilya, ang mahalaga, hindi sila maghihirap.
Pero isang gabi, habang nagvi-video call siya, napansin niyang iba ang suot ng misis niya. Mga bagong damit, branded. May bago ring cellphone na hindi naman nila napag-usapan. Hindi siya nagtanong agad, baka kasi regalo lang sa sarili.
Lumipas ang mga buwan, hanggang isang kaibigan ang nag-message sa kanya:
“Pre, nakikita ko madalas yung asawa mo sa mall. Lagi siyang may kasamang lalaki… at puro shopping sila.”
Parang gumuho ang mundo ni Mario. Hindi siya makapaniwala. Agad niyang tinanong ang asawa. Pero imbes na umamin, siya pa ang sinabihan:
“Hindi mo kasi ako kasama! Hindi mo alam ang hirap ng mag-isa dito!”
Doon na siya natahimik. Sa gitna ng dagat, mag-isa niyang iniyakan ang lahat. Yung 100k allotment na inipon niya para sa kinabukasan, nalustay lang sa luho at sa maling tao.
Pag-uwi niya, totoo nga. Wala nang natirang ipon. Ubos ang pera. Wala ni isang gamit na makikitang galing sa sakripisyo niya — maliban sa bagong kotse ng lalaking ipinagpalit sa kanya.
Ang sakit. Dahil habang siya ay nagdurusa sa malayo, iniipon ang lakas para sa pamilya, ang asawa niya pala ay unti-unting winawasak ang pangarap nilang buo.
At doon niya natutunan: hindi lahat ng sakripisyo, nasusuklian ng katapatan. Minsan, kahit anong laki ng allotment, walang halaga kapag wala namang respeto at pagmamahal ang taong dapat mong pinaglalaanan. 💔