01/03/2025
KUNG IKAW AY BOTANTE AT MAY PLANONG BUMOTO SA DARATING NA HALALAN, TUMUTOK KA SA KAGANAPANG ITO:
COMELEC SINAMPAHAN NG KASO SI ATTY. RESPICIO DAHIL UMANO SA POLL MANIPULATION VIDEO
Sa gitna ng tumitinding diskusyon sa kalayaan sa pagpapahayag, isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa Isabela ang sinampahan ng kasong cyber libel at paglabag sa Cybercrime Prevention Act matapos niyang ilabas ang isang serye ng Facebook videos na nagpapakita kung paano maaaring i-hack ang automated counting machines (ACMs) ng Comelec.
Sa isang hakbang na kinondena ng ilang sektor bilang panunupil sa kalayaan sa pagpapahayag, Task Force K*K sa Halalan ng Comelec ang nanguna sa pagsasampa ng kaso laban kay Atty. Jeryll Harold Respicio sa City Prosecutor’s Office ng Maynila.
Kasabay nito, naghain din ang Comelec ng disqualification case, disbarment case, at petisyon sa PRC para tanggalin ang kanyang CPA license.
COMELEC: DELIKADO ANG MGA PAHAYAG NI ATTY. RESPICIO
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi ito usapin ng simpleng kritisismo kundi isang banta sa kredibilidad ng eleksyon.
“This is dangerous. Aside from misinformation, this is dangerous because the public is being conditioned that the elections can be rigged.”
Iginiit pa niya na tila hinahanda ni Respicio ang kanyang sarili sa anumang magiging resulta ng eleksyon.
“Think about this. If he wins, he will say that it’s because of his manipulation, but if he loses, he will say that others manipulated the results of the elections.”
Pinanindigan din ng Comelec na hindi maaaring i-hack ang ACMs dahil stand-alone machines ang mga ito at hindi konektado sa internet habang bumoboto ang publiko.
“Mukha po kasing yung kanyang understanding, magtatransmit kaagad ang bawat makina at after transmission saka mag-iimprenta ng election returns. Bago makapagtransmit, alam na ng lahat ang boto sa bawat presinto so paano mo siya mahahack?”
ATTY. RESPICIO: HINDI DAPAT MATAKOT ANG PUBLIKO NA PAG-USAPAN ANG ELECTION SECURITY
Ngunit ayon kay Atty. Respicio, mali ang interpretasyon ng Comelec sa kanyang video. Hindi umano niya sinasabing maaaring dayain ang eleksyon basta-basta kundi nais lamang niyang ipakita kung paano maaaring maging vulnerable ang sistema kung hindi ito maayos na babantayan.
“Kinasuhan ako ng Comelec dahil sa Facebook video kung saan inilahad ko ang malubhang kahinaan ng voting machines.”
Sa halip na kasuhan siya, hinamon niya ang Comelec na patunayan sa publiko na talagang impenetrable ang kanilang sistema.
“Kapag nakakonekta sa Internet ang machine bago i-print ang election returns, maaaring madaya ang eleksyon.”
Maraming eksperto sa cybersecurity ang sumusuporta sa ideya na walang ganap na 100% na secure na sistema—kahit ang mga bangko at gobyernong institusyon ay nadadala ng mga hacker.
Sa halip na ipaliwanag nang malinaw kung paano nila masisigurong hindi maaapektuhan ang resulta ng halalan, agad na idinaan ng Comelec ang isyu sa kasong legal.
Marami ang nagtatanong: Bakit tila takot ang Comelec na pag-usapan ang posibilidad na baka may kahinaan nga ang kanilang sistema? Bakit hindi nila kayang labanan ang impormasyon gamit ang tamang impormasyon, sa halip ay gumagamit ng batas upang patahimikin ang mga kritiko?
Sa isang panahon kung saan pinapahalagahan ang transparency at accountability, hindi maiiwasang magduda ang publiko kung ang ganitong aksyon ay pagtatakip lamang sa isang mas malaking problema.
Kung totoong walang dapat ipangamba, bakit hindi kaya ng Comelec na ipakita ito sa harap ng isang bukas na talakayan? Bakit tila mas madali para sa kanila na sirain ang reputasyon ng isang indibidwal kaysa ipagtanggol ang kanilang sistema?
KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG O PAGTATAKIP SA POSIBLENG ABUSO?
Sa administrasyong PBBM, maraming bumabatikos sa tila lumalawak na panunupil sa malayang pamamahayag. Mula sa “fake news” hearing ng Quadcom sa Kongreso, kung saan maraming kaalyado ni Marcos ang kabilang, hanggang sa agresibong pagkilos ng Comelec laban sa mga kritiko nito—hindi maiiwasang isipin ng ilan na may mas malalim pang dahilan sa likod ng kasong ito.
Mayroon bang itinatago ang Comelec? O ito ba ay isang leksyon para sa lahat ng nais magsalita tungkol sa eleksyon—na huwag magkamali, dahil ang kapalit ay demanda, pagkadiskwalipika, at pagbawi ng kanilang propesyonal na lisensya?
Sa kabila ng lahat, nanindigan si Atty. Respicio na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang ginawa:
"Ano ba ang gagawin ng gobyerno? Patatahimikin niya ba ang mga tao na nagsasabi ng mga gawain ng gobyerno, para itama ng gobyerno? O papakinggan niya sila at itatama ang mga mali? O kaya patatahimikin niya tulad ng ginagawa ngayon? Ang suggestion ko sa Comelec ay, hello Comelec, freedom of speech ito. Bilang citizen ng Pilipinas may karapatan akong magsalita at mag-comment sa lahat ng transaction ng gobyerno. At ito lamang para itatama ang mga kahinaan ng gobyerno para maging tama. Dapat ang gawin ng Comelec ay makinig sila at tingnan nila sa sarili nila kung anong mali at itama nila. Ngayon ang hindi dapat nilang gawin ay patatahimikin ang tao at abusuhin ang kanilang karapatan na magsalita laban sa ating gobyerno dahil fundamental right yan, freedom of speech. Nangyari na yan nung mga nakaraang administration sa iba't ibang bansa, kaka-celebrate lang natin ng EDSA revolution, ang gobyerno na pinapatahimik ang tao na nagsasabi ng katotohanan sa huli ay hindi nananalo. Hindi magiging maganda ang itsura nito sa Comelec, hindi magiging maganda ang itsura nito kay Commissioner Garcia. Dapat maging mature siya sa approach, pakinggan niya ang concern at i-address niya ang concern mismo. Huwag niyang patahimikin ang tao kasi kapag gano'n ang mangyayari mukha lang silang guilty. Kapag hindi totoo ang sinasabi ko, let the public judge for themselves."
Sa bandang huli, hindi lang ito kaso ng isang kandidato laban sa Comelec. Ito ay isang usapin ng kalayaan sa pagpapahayag, pananagutan ng gobyerno, at integridad ng halalan—at ang magiging desisyon sa kasong ito ay may epekto sa kung paano natin masisiguro na ang ating demokrasya ay tunay na malaya.
COMELEC SINAMPAHAN NG KASO SI ATTY. RESPICIO DAHIL UMANO SA POLL MANIPULATION VIDEOSa gitna ng tumitinding diskusyon sa kalayaan sa pagpapahayag, isang kandi...