09/01/2026
EALA, WANG XINYU, JOVIC, SVITOLINA PASOK SA SEMIS
JANUARY 9, 2026
ARDIE AVILES
NAIKASA ang dalawang eksplosibong hatawan para sa semifinals ng 2026 ASB Classic WTA 250 bukas January 10 matapos na magsipagwagi sa kani-kanilang quarterfinal match sina Alexandra ” Alex ” Eala, Wang Xinyu, Iva Jovic at top seed Elina Svitolina sa pagpapatuloy ng umiinit na sagupaan sa nalalapit na pagtatapos ng torneo.
Nagwagi ang chinese player na si Wang Xinyu sa kanyang katunggali na si Francesca Jones ng Great Britain, 6-4, 4-3, matapos na ihinto ang kanilang laro dahil sa tinamong leg injury ng huli kasunod ang panalo ni pinay tennis star Alexandra Eala sa straight sets laban sa No. 5 seed na si Magda Linette, 6-3, 6-2 upang mabuo ang unang semifinal match sa pagitan ng dalawa.
“I think I had a good performance today,” masayang pahayag ni Eala matapos ang laban . “I’m happy with how I handled the external factors, the wind, and playing Magda has always been difficult for me. She’s a very solid player, very consistent.”
Ito ang ikatlong beses na nakaharap ni Eala si Linette kung saan nabigo siya sa unang dalawang laban bago nakabawi sa pinakaimportanteng laro sa kampanya niya para sa ASB Classic sa taong ito.
Samantala, nagparamdam naman ng kanyang kahandaan ang chinese player sa kung sinoman ang nakatakda niyang makaharap sa semifinal round at kahit naging napakahirap para sa kanya ang naging kondisyon ng weather sa venue ay kailangan umano niyang masanay sa kung anong kundisyon meron sa loob ng court.
“I think just ability to find a way and adapt to different conditions on court, including the wind and also the sun,” wika niya..
“It’s my first time playing the first match here. So it’s different conditions than the late night match I played in last match. Francesca, she’s very solid at the baseline, and she has great touches,” pahayag pa niya kasunod ng kanyang dasal na sana ay maging mabilis ang recovery ni Francesca mula sa kanyang tinamong injury.
“I hope she can recover fast for the Australian Open. She’s playing great, so I hope to see her in two weeks.”
Inaasahan na magiging mahigpit naman ang engkuwentro sa pagitan nina Svitolina at Jovic sa kanilang semifinal match matapos na malusutan ng una ang kanyang mabigat na nakalaban sa quarterfinals na si Sonay Kartal ng Britanya, kung saan ay dumaan siya sa butas ng karayom bago niya ito napayukod,6-4 6-7(2) 7-6(5),sa isang laro na tumagal ng dalawang oras at 36 na minuto.
Ang No. 3 seed na si Jovic ay nakamit ang isang upuan sa semis at ang karapatan na harapin si Svitolina makaraang idispatsa si Belgian player Sofia Costoulas sa kanilang laban, 6-2, 7-6(6).
Sa ibang laro, nabigo naman ang tambalan ni Eala at Jovic kontra sa mga chinese veterans na sina Xu Yifan at Yang Zhaoxuan, 7-5, 6-3 upang tuluyan nang mapatalsik sa kontensyon para sa ASB Classic doubles finals.