20/09/2025
HIGIT 50,000 PULIS ANG IDEDEPLOY PARA SA MALAWAKANG PROTESTA SA SEPTEMBER 21
Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ligtas at maayos na pagpapahayag ng saloobin ng publiko, nakapaghanda ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 50,000 tauhan sa buong bansa upang tiyakin ang kaligtasan ng darating na protestang raliy sa Setyembre 21, 2025. Layunin ng malawakang deployment na protektahan ang mga kalahok at ang publiko habang pinapanatili ang maayos na daloy ng buhay sa mga lugar na maaapektuhan.
“Habang nirerespeto namin ang karapatan ng bawat Pilipino na maipahayag ang kanilang saloobin ng mapayapa, ang pangunahing tungkulin namin ay protektahan ang buhay at ari-arian. Handa at sinanay ang aming mga tauhan upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang mga protesta para sa lahat,” ani Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Sa kabuuan, ang deployment ay kinabibilangan ng halos 10,000 tauhan sa fixed visibility posts, higit 17,000 sa mobile patrol, mahigit 3,000 sa tulong-trapiko, mahigit 9,000 sa mga checkpoint at border control points, halos 6,000 na naka-standby para sa crowd management, mahigit 4,500 sa Rapid Special Security Force, at 415 drone operators. Sama-sama, ang mga yunit na ito ay magkatuwang upang tiyakin ang seguridad ng komunidad habang iginagalang ang karapatan ng publiko na makilahok sa mapayapang pagtitipon.
Dagdag ni Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, PNP Spokesperson at Chief ng Public Information Office, “Gaya ng nakaraang mga protest rally, makikita at mararamdaman pa rin ang presensya ng pulis sa buong bansa. Nakahanda kaming tumugon at ipatupad pa rin maximum tolerance upang panatilihing ligtas at maayos ang bawat pagtitipon.”
Hinihikayat ng PNP ang lahat ng kalahok na ipakita ang kanilang karapatang makilahok sa mapayapang pamamaraan at ang publiko na sundin ang mga tagubilin ng pulis at mga abiso sa trapiko sa panahon ng raliy.