16/09/2025
"DEATH PENALTY"
Nagsalita si Utah County Attorney Jeffrey S. Gray sa isang press conference hinggil sa mga kasong isinampa at susunod na hakbang sa kaso ni Tyler Robinson, ang suspek sa pamamaril na ikinasawi ng U.S. right-wing activist at komentaristang si Charlie Kirk, kaalyado ni U.S. President Donald Trump, sa Provo, Utah noong Setyembre 16, 2025.
Pormal na kinasuhan noong Martes ng mga tagausig sa Utah ang suspek sa pagpaslang sa konserbatibong aktibista na si Charlie Kirk ng aggravated murder, at nakatakdang humiling ng death penalty sakaling mapatunayang guilty.
Si Tyler Robinson, 22, ay inaakusahang nagpaputok ng baril mula sa isang rooftop sniper’s nest, na tumama sa leeg ni Kirk noong nakaraang Miyerkules sa campus ng Utah Valley University sa Orem, humigit-kumulang 65 kilometro sa timog ng Salt Lake City.
Ayon kay District Attorney Jeffrey Gray, pitong kaso ang isinampa laban kay Robinson, kabilang ang obstruction of justice matapos umano niyang itago ang ebidensya, at witness tampering dahil iniutos umano niya sa kanyang kasamahan sa bahay na burahin ang mga text message.
Dagdag ni Gray, nagpasya siyang itulak ang parusang kamatayan “nang independiyente, batay lamang sa ebidensya at bigat ng krimen.”
Ang pagpatay—na nakunan pa sa video at kumalat online—ay nagdulot ng malawakang pagkondena sa karahasang pulitikal, ngunit nagpasimula rin ng batuhan ng sisi sa pagitan ng mga partidong pampulitika at pangamba na ang pagkamatay ni Kirk ay mauuwi pa sa karagdagang karahasan.
Hindi pa inilalantad ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril, subalit ang asawa ni Kirk at ilang tagasuporta ay agad siyang itinuring na isang “martir” para sa kanilang adbokasiya.
Si Kirk, 31-anyos, co-founder at pinuno ng konserbatibong kilusang-estudyante na Turning Point USA, at pangunahing kaalyado ni Pangulong Trump, ay nagsasalita sa isang pagtitipon na dinaluhan ng humigit-kumulang 3,000 katao nang pagbabarilin siya.
Ang suspek, na nasa ikatlong taon ng kanyang electrical apprenticeship sa isang state technical college, ay tumakas sa gitna ng kaguluhan matapos ang pamamaril.
Naaresto siya noong Huwebes ng gabi sa bahay ng kanyang mga magulang, 420 kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen, matapos isumbong ng kanyang mga kamag-anak at isang kaibigang malapit sa pamilya na siya mismo ang umamin sa pamamaril, ayon kay Governor Spencer Cox.
Nakatakda sanang humarap si Robinson sa korte sa pamamagitan ng video feed mula sa kulungan noong Martes ng hapon sa Utah County Justice Court sa Provo.
Ayon pa kay Gov. Cox, nakahanda ang estado na itulak ang death penalty kung mapapatunayang guilty si Robinson, subalit isasaalang-alang din umano ng mga tagausig ang kagustuhan ng pamilya ni Kirk bago tuluyang magdesisyon.
(REUTERS/Jim Urquhart)