01/12/2025
#๐ก๐ฒ๐๐๐ฟ๐ฒ๐ฒ๐ฑ | โ๐๐ฎ๐ฏ๐ฎ๐ป๐ด ๐ ๐ฎ๐ ๐๐๐ฎ๐ต๐ฒ, ๐ ๐ฎ๐ ๐ฃ๐ฎ๐ด-๐ฎ๐๐ฎ"
Erika Nicole Y. Giente (CE II)
Sa lahat ng mga naging akala ko, may isa roon ang hindi mawala-wala sa aking pang-araw-araw na pamumuhay. Akala ko hindi ko kayang lampasan ang pagod bilang isang komyuter. Exaggerated ba? Hindi naman siguro.
Isang malaking hamon na ang pagpunta at pag-uwi mula sa campus dahil sa bigat ng byahe sa Pilipinas. Hindi rin sigurado kung ligtas bang darating sa paroroonan. Depende sa journey sa kalsada kung kalmado at nasa tamang wisyo ang mga driver ng jeepney. Kung kaya pa ba ng vehicle na ihatid kami sa ruta. Kung walang kamote na magsisimula ng gulo at sisira ng kapayapaan ng utak ng bawat tao. At iba pang aksidente na nangyayari sa kahabaan ng byahe.
Laging lakas ng loob lamang ang aking dala-dala, swerte kung gagana pa ang braincells ko para sa magdamagang klase. Hanggang sa paglubog ng araw, sasalubungin ng usok, magkabilaang ingay ng mga sasakyan at kapwa tao. Susundan ng mumunting paghakbang ng mga paa papunta sa LRT Pureza Station.
Kasabay ng lahat ng ito ang pagluwag ng bag na bitbit sa likuran. Kung hindi man tuluyang naubos, kaunti na lang ang natirang baonโang tiwala sa sarili na unti-unting nahatak ng mga pangyayari sa bawat sulok ng CEA. Maging ito man ay bahagi ng pag-usad o ng pagkabigo, pero saan nga ba sandaling napagninilayan ang lahat ng ito? Sa loob ng humigit-kumulang tatlong oras na byahe, nakaupong parang sardinas sa sobrang siksikan sa loob ng sasakyan. Pero sabi ni kuya "Tara, apat pa! Makakaupo." Paano pa kaya magkakasya ang karagdagang bilang kung halos magkapalit-mukha na ang mga pasahero?
Pero nandoon kaming lahat, sabay-sabay tinatahak ang kalsada. Kumikislap ang ilaw mula sa mga poste, traffic lights, at sa mismong mga sasakyan. Nandoon kaming lahat. Ako, gusto nang makauwi. Sila, gustong kumita ng pera. At ang iba? Hindi ko man itanong, pero kita sa mukha nila ang pagodโsalamin ng akin. Ang ilan pa sa kanila ay nag-uusap tungkol sa kanilang mga araw. Chismosa lang? Pero hinihintay ko rin talaga minsan kung ano ang kasunod na mga linya ng kwento ng kanilang buhay.
Pwera na lang kung naabutan na naman ng online class, pipiliting magpokus sa klase kahit mas dinig ko pa ang reklamo ng mga katabi sa loob ng e-jeep. Pagtawag sa pangalan ko, bibigkasin ang salitang โpresentโ, at karamihan sa kanila lilingon na para bang nakakagulat na may nagkaklase sa kasagsagan ng traffic. Mawawalan pa ng signal, magloloading ang lahat kasabay ng aking utak. Parang sa isang pagkurap ko lamang, pagmulat ay nasa ibang mundo na sila. Malayo, malabo. Na para bang hindi ko na kayang humabol. Parang hindi na 'yon posibleng maging parte ng future ko.
Ilang beses na akong nilamon ng pagod at nakatulog nang hindi namamalayan. Lumagpas sa babaan, paggising ay hindi na alam kung nasaan. Sisilip sa bintana, pagmamasdan ang paligid at mapapaisip kung nasaan na ba ako. Hindi na pamilyar ang mga istruktura, hindi na rin pamilyar ang tinatahak na daan. Ibang pangalan na ng mga lugar ang binabanggit ng aking mga kasabay. Ilang minutong matutulala, pag-iisipan kung ano ang gagawin. Hindi ko alam ang itatanong. Hindi ko alam kung ano ang magbibigay linaw sa pagod kong isipan dahil maski ang nanlalabo kong paningin ay hirap nang makatanaw.
Sa kabila nito, kahit takot at lutang, lumagpas man ako sa aking destinasyon, bumababa ako sa gitna ng kawalan. Nakakaligaw lalo at hindi kami magkasundo ng direksyon, pero hindi ko naman kailangan ituloy ang byahe papunta sa lugar na hindi ko planong bisitahin. Tinanggap ng katawan ko ang pagod, at ako naman ang tumanggap sa katotohanang dahil sa pagkahapo ay nagkukulang na ako. Pwede naman akong mahuli, pwede ring dumoble ang distansiyang marapat lakbayin. Hindi ko kailangang makiayon sa hakbang ng iba. Basta ang paalala sa sarili, wala ako sa isang karera. Ang mahalaga, ituwid ang nabali, itama ang pagkakamali.
Patapos na ang araw ng iilan, pero marami sa paligid na kahit lumitaw na ang buwan, binabaybay pa rin ang daan. Daan papunta sa kung saan hahanap ng pahinga. Noong una akala ko dagdag pagod lamang ang aking makukuha. Pero habang tumatagal, natutunan kong mag-explore na para bang isa akong manlalakbay. Tama naman. Sumasabay ako sa agos ng buhay. At sa pagitan ng bawat pagliko, ay ang pag-ikot ng aking paningin. Natutunan kong makiramdam sa sariling paghihirap, kasama ng paghihirap ng iba.
Nakakatakot ang mga bagay na hindi sigurado. Pero umupo ako sa sasakyan katabi ang isang estranghero. Sumabay ako sa byahe nang hindi ko kilala kung sino ang nagmamaneho. At hinayaan kong tumakbo ang oras habang naghihintay ako sa sarili kong pwesto. Umiikot ang gulong, minsan nasa itaas at minsan nasa ibaba. Habang nakatulala ako at binabagabag ng mga pangyayari sa aking buhay, nagsilbi itong paalala na hindi palaging nakalugmok sa iisang sitwasyon ang bawat tao. Dahil tayo ay parte ng isang siklo, minsan kaya natin at minsan hindi. Hindi man siguradong may 'susunod' para sa lahat, pero siguradong ang lahat ng ito ay hindi pa kabuuan ng kwento ng isang tao. Nasa byahe pa rin ako.