03/09/2025
Kiray Celis, kumita ng hanggang PHP3M sa isang araw ng live selling
Matapos ang halos 25 taon sa showbiz, ibinahagi ni Kiray Celis na mas mabilis siyang kumikita bilang online seller at influencer kumpara sa pagiging artista.
Ayon sa kanya, umaabot sa PHP1 milyon ang benta niya kada araw sa online selling at minsan ay nakaabot pa ng PHP3 milyon sa loob lang ng isang araw.
Ngayon, mas nakatutok na si Kiray sa negosyo ng drink supplements para sa pagpapapayat at iba pang inumin, bagama’t tumatanggap pa rin siya ng guest appearances at tapings paminsan-minsan.
Katulad ng maraming personalidad, malaking epekto ang naging dulot ng pandemya sa kanyang career. Doon siya nagsimulang magtrabaho bilang social media influencer, nakikipag-collab sa iba’t ibang negosyo lalo na sa mga food brands. Kapalit ng pag-promote, binibigyan siya ng pagkain.
“Parang malaking bagay na iyon sa family ko, na parang makakakain kami nang libre,” pagbabahagi ni Kiray sa programang DTI: Asenso Pilipino noong August 29, 2025.
Sa pagpapatuloy niya: “Lahat tayo noon halos, walang trabaho. Lahat nasa bahay, so parang super thankful ako noon.”
Kalaunan, sinubukan niya ang live selling at unang subok pa lang ay umabot na sa isang milyong piso ang benta niya sa loob ng tatlong oras. Mahirap man, sulit dahil nakatanggap siya ng PHP50,000 na komisyon. Sa una, akala niya ay tsamba lang, pero napatunayan niyang kaya niya nang sumunod pang live selling sessions sa social media, partikular sa TikTok.
Isang araw, iminungkahi ng kanyang boyfriend na si Stephan Estopia na magtayo na siya ng sariling negosyo para kanya na ang lahat ng kita.
Noong January 27, 2025, inilunsad ang kanyang brand na nagbebenta ng coffee, juice, at capsule supplements para sa weight loss. Sa unang anim na buwan, umabot na sa PHP8.3 milyon ang kabuuang benta nito kahit bago pa ang grand launch.
Sabi pa niya noon: “Hindi pa po tayo nagga-grand launch, pero ito na po yung total sales natin from online.”
Nang tanungin kung mas malaki ba ang kinikita niya ngayon, sagot niya:
“Actually, siguro ang right word po, mas mabilis.
“Mas mabilis lang po yung online, kasi po si online po, ilang beses lang magla-live, e. Unlike sa taping, whole day ako doon, puyat pa. So, mas mabilis po talaga.”
Ngayon, patuloy na tinatangkilik ang mga produkto ni Kiray dahil bukod sa kalidad, nananatili siyang totoo sa kanyang paraan ng pagbebenta.
“Kailangan maging totoo ka kasi 'yun naman talaga ang gusto ng mga bumibili at gustong bumili sa'yo, maging totoo ka lang, 'yung totoong nasa products mo talaga,” ayon sa kanya sa panayam ng My Puhunan: Kaya Mo! kasama si Karen Davila.