30/05/2023
Paglikha, Pagtaya, at Pakikitunggali
ni Maki Dangadang
(alay kay Jonas Burgos, Keriman Tariman, at Ericson Acosta)
Tampok sa bidyo dokyumentaryong Mula sa Mata ni Pulang Langgam (2023) ang paglalatag sa poetika at politikal na paninindigan ng aktibista, visual artist, at dokyumentaristang si JL Burgos. Matutunghayan sa bidyo kung papaano nahubog, tumatag, at lumalim ang pinanghahawakan at isinasabuhay niyang makalipunan, makamamayan, at maka-uring ideolohiya.
Maagang naging saksi si JL sa garapalang panunupil ng diktaduryang Marcos sa pahayagan na pagmamay-ari ng kanyang pamilya kung saan patnugot ang kanyang ama. Nagsilbing mitsa ang karanasang ito ng kanyang kamusmusan upang magpursige siyang alamin, galugarin, at himayin ang masalimuot na kasaysayan ng bansa. Kasabay ng kanyang paghahagilap ng mga kasagutan sa mga nag-uusig na tanong ukol sa inhustisya, panunupil, sensura, korapsiyon, kahirapan, at Batas Militar, ay tumambad sa kanya ang mas masaklaw at komprehensibong suri ukol sa tunay na ugat ng mga panlipunang kontradisksyong umiiral sa lipunan at kasaysayan.
Sa patuloy niyang paglahok sa mga pag-aaral at diskusyon ukol sa mga suliranin ng lipunang Filipino, natanto niyang sintomas lamang ang Batas Militar ng mas malalim na problemang pang-ekonomiya, pangkultura, at pampolitika sa bansa. Nang mabatid niyang ang lipunang Filipino ay mala-pyudal at malakolonyal, mas naunawaan niya ang mga pwersa at salik na sanhi sa pagka-atrasado ng lipunan at buhay ng mamamayan.
Habang patuloy na namumulat sa mga basehang materyal na kondisyon ng mamamayan ay naging bahagi siya ng UgatLahi. Organisasyon ng mga kabataang manlilikha na malay na gumagamit sa sining upang maging lunsaran ng pamumuna sa kabuktutan ng reaksyunaryo at pasistang estado. Dumudulo ang mga likha ng organisasyon sa pagbubuyangyang sa papel ng burakrata kapitalismo, pasismo, pyudalismo, at imperialismo sa patuloy na pagdurusa ng mamamayang Filipino.
Ang kabatiran ni JL sa lipunan ay higit pang lumalim dahil na din sa kanyang pakikipagdaop kamao, pakikisalamuha, at pagkatuto mula sa hanay ng masa. Ang salimbayan ng mga karanasang ito ang higit na nagpatibay sa determinasyon niyang maging kalahok sa mga pagkilos, sa pag-oorganisa, at sa paglikha ng mga sining na nagsusulong ng interes ng masa.
Lubos pang naging masidhi at nagkaroon ng nag-aalimpuyong sigasig ang makamamayang sining ni JL nang pwersahang dukutin ng militar ang kanyang kapatid na si Jonas, na isang organisador ng mga magsasaka. Dahil sa kaganapang ito, higit niyang naunawaan na sa isang lipunang mapaniil, laging makatwirang pumanig sa laban ng masa at inaalipusta. Mula noon, laging nang kakambal ng kanyang mga likha–painting man, agitprop videos, o dokumentaryo–ang saligang kaisipang “mula sa masa tungo sa masa.”
Ang patuloy na pag-aaral sa lipunan at pagkilos kasama ng mga sektor ang nagsilbing matibay na pundasyon ng kanyang mga malikhaing interbensyon. Pinanday, nilinang, at hinasa niya ang kanyang mga likha batay sa dialektika ng maka-uring pakikibaka. Hindi tungkulin ng mga likha ni JL na magbigay aliw. Bagkus, ang sentral na layunin ng kanyang mga sinematikong interbensyon at mediasyon ay upang maging epektibo itong panlaslas sa naghaharing-uri, namamayaning kaayusan, berdugong estado, at sa lahat ng kaaway ng masang Filipino.
Taglay ng mga likha ni JL ang mabisang pagsasanib ng teorya at praktika. Higit sa lahat, taglay ng kanyang mga likha ang wastong paninindigang pampolitika–mapanuri, mapanghimok, mapangmulat, mapanlaban, siyentipiko, at partisano sa inaalipustang uri. Tunay na namumukod tangi ang mga tulad ni JL–aktibista, dokyumentarista, kultural na manggagawa–sa pretensyosong daigdig ng indie at commercial cinema.
Sa katunayan, kung uuriin ang mga manlilikha ng dokyumentaryo sa bansa sa kasalukuyan, masasabing mas marami ang naglalako ng ginto ngunit ito pala’y tanso.
Naglipana ang mga nagpapanggap na makatao ngunit sa huling suma ay kumikiling ang bitbit na lohika sa ethos ng pasistang estado. May ilan ding ginagamit lamang ang danas ng mga nasa laylayan upang sa huli’y mapagkakitaan ang kahirapan. Hindi kalabisang sabihing mas maraming dokyumentarista at filmmakers ngayon ang lulong lamang sa kani-kanilang mga sarili, uhaw sa mga papuri at tropeo, naglalaway sa mga gawad at festivals, lasing na lasing sa sariling katanyagan, abala sa pagtatayo ng kani-kanilang clique at kulto, at nababaliw sa aspirasyong maging bahagi ng konfigurasyon ng canon.
Nakakadismayang isipin, na sa gitna ng pagbabalik ng mga Marcoses, patuloy na paghihirap ng masang Filipino, walang habas na paglabag sa karapatang pantao, militarisasyon, walang pakundangang pamamaslang, pagduhagi sa mga batayang sektor ng lipunan, patuloy na pagdukot sa mga aktibista’t organisador, at lantarang pang-aabuso ng mga kapitalista’t imperyalista, ay kakarampot ang mga manlilikhang tunay na nakikitunggali at handang tumaya sa digmaan ng mga uri.
Mabibilang sa daliri ang mga manlilikhang malinaw ang suri sa lipunan at tiyak ang pasya ukol sa disin sana’y etikal na tungkulin ng pelikula at sining, sa paglahok sa pagsusulat ng kasaysayan. Sa katunayan, kuntento na ang kalakhan ng mga dokyumentarista at filmmakers sa paanyaya ng kapital at nakabibinging kalansing ng kita, sa mga mapanlinlang na tema ng wokeness, kaburgisan at identity politics, at sa pagdambana ng mga reaksyunaryo at neoliberal na ideolohiya sa kanilang mga sinematikong adbenturismo. At iyan ang mapait na katotohanan.
Sa huling tala, tinatayang dalawapu’t isang (21) aktibista at mga organisador na ang sapilitang nawala at dinukot sa loob ng siyam (9) na buwan sa ilalim ng rehimeng Duterte-Marcos-US. Dagdag dito, marami na din mula sa hanay ng kilusang mapagpalaya ang pinaslang ng walang habas ng mga pwersa ng berdugo’t pasistang estado. Sa gitna ng pandarahas ng estado at pananaig ng kultura ng kawalang pananagutan, kailangang pumili ng panig ng mga manlilikha ng pelikula at sining, kung kanino tataya sa nagpapatuloy na tunggalian sa lipunan.
Ang bidyo dokumentaryong Mula sa Mata ni Pulang Langgam, bagamat nagsisiwalat sa poetika at politika JL Burgos, ay naglalahad din sa nagpapatuloy na tradisyon at kasaysayan ng nakikisangkot na sining sa bansa. Sa katunayan, tungkol din ito sa pambihirang katatagan at politikal na tindig ng pinanghawakan ng mga artista ng bayan tulad na lamang nina Neil Doloricon, Ericson Acosta, Kerima Tariman, Lennel Domanais, Parts Bagani, mga political film collectives, at marami pang ibang nag-alay ng sining at buhay para sa tunay na panlipunang pagbabago.
Sa pangkalahatan, tungkol ito sa mga lumilikha dahil may tinutunggali. Nakikitunggali sapagkat may nais baguhin. May nais baguhin dahil hindi patas at makatarungan ang daigdig. Ipinaglalaban ang katarungan upang mawakasan ang ugat ng pananamantala. Nais durugin ang mga nananamantala dahil naniniwala sa diwa ng kapantayan at pagkakapantay-pantay. Naniniwala sa kapantayan ng mga uri dahil natutunan nang magmahal at umiral lampas sa sarili. Nagmamahal lampas sa sarili sapagkat nais nang makilahok sa kolektibong pagsusulat ng kasaysayan kadaop ang uring-api. Nakikilahok sa pagsusulat ng kasaysayan sapagkat nagpasya nang ialay ang buhay, kasama ang masa, sa pagbaliktad ng kaayusan ng lipunan at mundo.
Sa inyong pagtunghay sa bidyo dokumentaryo, mabatid sanang walang saysay at sustansya ang sining kung hindi ito nagsisilbing sandata sa nagpapatuloy na digmaan ng uri sa ating bayan.
(Ang bidyo dokumentaryong Mula sa Mata ni Pulang Langgam ay likha ng Sine Sanyata at bahagi ng seryeng Sining ng Protesta ng TVUP. Iniaalay ng Sine Sanyata ang bidyo dokumentaryong ito sa lahat ng manlilikha ng sining ng Kilusang Pambansa Demokratiko at iba’t ibang indibidwal na inialay ang buhay at mga likha upang maging kaisa sa pagkamit ng isang lipunang malaya at mapagpalaya.)
Free Jonas Burgos Movement
Justice for Ericson Acosta