08/11/2025
MAGKAPATID NA REMULLA, MAGKASALUNGAT ANG PAHAYAG SA UMANOY ICC WARRANT VS. DELA ROSA
Naglabas ng magkaibang pahayag ang magkapatid na sina Ombudsman Boying Remulla at DILG Secretary Jonvic Remulla hinggil sa umano’y arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kaugnay ng imbestigasyon sa crimes against humanity noong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam nitong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Remulla na mayroon nang warrant of arrest mula sa ICC laban sa senador. Ngunit agad itong itinanggi ni Secretary Jonvic Remulla, na iginiit na wala pang red notice mula sa Interpol, na siyang nagpapatunay ng mga international arrest request. “As per the Center for Transnational Crimes, there has been no red notice issued as of 10 minutes ago,” aniya.
Kinumpirma rin ng Department of Justice (DOJ) na wala pa itong natatanggap na abiso o dokumento mula sa Interpol o ICC kaugnay ng sinasabing warrant. Hanggang ngayon, nananatiling magkasalungat ang pahayag ng magkapatid habang hinihintay ng publiko ang anumang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC.