29/10/2025
Palagi nating hinahangad na kumita tayo para may magamit sa pang Araw-araw nating buhay, dapat mas hangarin natin na makilala ang pinanggagalingan ng buhay at ng ating ikabubuhay.
Basahin natin ang unnag sipi sa mga salita ng Diyos para makilala natin sya.💑
Pagkilala sa Diyos I
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 1
Dapat suriing muli ng bawat isa sa inyo kung paano kayo naniwala sa Diyos sa buong buhay ninyo, para makita ninyo kung, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, tunay ninyong naunawaan, tunay ninyong naintindihan, at tunay ninyong nakilala ang Diyos, kung tunay ninyong alam kung ano ang saloobin ng Diyos sa iba’t ibang uri ng tao, at kung tunay ninyong nauunawaan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo at paano tinutukoy ng Diyos ang bawat kilos mo.
Ang Diyos na ito, na nasa tabi mo, na gumagabay sa direksyon ng iyong pag-unlad, nagtatakda sa iyong tadhana, at tumutustos sa iyong mga pangangailangan—gaano mo nauunawaan ang Diyos na ito, matapos masabi at magawa ang lahat.
Gaano talaga ang alam mo tungkol sa Diyos na ito? Alam mo ba kung anong gawain ang ginagawa Niya sa iyo sa bawat araw? Alam mo ba ang mga prinsipyo at layuning Kanyang pinagbabatayan sa bawat kilos Niya? Alam mo ba kung paano ka Niya ginagabayan?
Alam mo ba ang paraan kung paano ka Niya tinutustusan? Alam mo ba ang mga pamamaraan ng Kanyang pag-akay sa iyo? Alam mo ba kung ano ang nais Niyang matamo mula sa iyo at kung ano ang nais Niyang makamit sa iyo? Alam mo ba ang saloobin Niya sa iba’t ibang asal mo?
Alam mo ba kung isa kang taong minamahal Niya? Alam mo ba ang pinagmumulan ng Kanyang kagalakan, galit, kalungkutan, at tuwa, ang mga kaisipan at ideya sa likod ng mga iyon, at ang Kanyang diwa? Alam mo ba, sa huli, kung anong klaseng Diyos ang Diyos na ito na pinaniniwalaan mo? Ang mga ito ba at ang iba pang mga tanong na katulad nito ay isang bagay na hindi mo naunawaan o napag-isipan kailanman?
Sa iyong patuloy na paniniwala sa Diyos, naiwaksi mo na ba, sa pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga at pagdaranas sa mga salita ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Kanya? Nagtamo ka na ba, matapos tumanggap ng pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, ng tunay na pagsunod at pagmamalasakit?
Nalaman mo na ba, sa gitna ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang pagkasuwail at ang satanikong kalikasan ng tao at nagkamit ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kabanalan ng Diyos? Nagsimula ka na ba, sa ilalim ng patnubay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, na magkaroon ng bagong pananaw tungkol sa buhay?
Nadama mo na ba, sa gitna ng mga pagsubok na ipinadala ng Diyos, ang hindi Niya pagpapalampas sa mga pagkakasala ng tao gayundin sa Kanyang hinihiling sa iyo at kung paano ka Niya inililigtas?
Kung hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o kung paano iwaksi ang maling pagkaunawang ito, masasabi na hindi ka pa nakapasok sa tunay na pakikipagniig sa Diyos at hindi mo pa naunawaan ang Diyos kailanman, o kahit paano’y masasabi na hindi mo ninais kailanman na unawain Siya.
Kung hindi mo alam kung ano ang pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, siguradong hindi mo alam kung ano ang pagsunod at pagmamalasakit, o kahit paano’y hindi ka pa sumunod o nagmalasakit talaga sa Diyos kailanman.
Kung hindi mo pa naranasan kailanman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, siguradong hindi mo malalaman kung ano ang Kanyang kabanalan, at lalong hindi mo malilinawan kung ano ang paghihimagsik ng tao.
Kung hindi ka pa talaga nagkaroon kailanman ng tamang pananaw sa buhay, o ng tamang layunin sa buhay, kundi nalilito ka pa rin at hindi makapagdesisyon tungkol sa iyong magiging landas ng buhay sa hinaharap, maging hanggang sa puntong nag-aalangan kang sumulong, tiyak na hindi mo pa natanggap kailanman ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos; masasabi rin na hindi ka pa tunay na natustusan o naragdagan ng mga salita ng Diyos kailanman.
Kung hindi ka pa nakaranas ng mga pagsubok ng Diyos, malinaw na siguradong hindi mo malalaman ang hindi pagpapalampas ng Diyos sa mga pagkakasala ng tao, ni hindi mo mauunawaan kung ano ang huling hinihiling ng Diyos sa iyo, at lalo na kung ano, sa huli, ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Ilang taon man naniwala ang isang tao sa Diyos, kung hindi pa nila naranasan o nahiwatigan kailanman ang anuman sa mga salita ng Diyos, tiyak na hindi nila tinatahak ang landas tungo sa kaligtasan, tiyak na ang pananampalataya nila sa Diyos ay walang tunay na laman, tiyak na wala rin silang kaalaman tungkol sa Diyos, at malinaw na wala silang ideya man lamang kung paano magpitagan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
mula sa Araw-araw na mga Salita ng Diyos