31/10/2025
ICYMI | Umalingawngaw ng kasiyahan at mga aral ang apat na sulok ng silid ng Claro M. Recto sa pagdaraos ng "On The Broad Side: Navigating the Channels of Entertainment Media" na inihanda ng PUP Broadcircle noong ika-18 ng Oktubre.
Alinsabay sa pagdiriwang ng BroadMonth 2025, hatid ng BroadCircle ang naturang programa upang idaos ang ika-23 anibersaryo ng kanilang organisasyon sa pangunguna ng ilang mga tagapagsalita at propesyunal mula sa industriya ng brodkasting, partikular sa entertainment.
Sa kanilang mga pagbabahagi, binigyang-linaw ng mga panauhin ang mga katanungan ukol sa production, conceptualization, storytelling, at iba pa.
Ikinuwento ni Audrey Delizo, writer ng Magandang Buhay at Pinoy Big Brother, ang prosesong pinagdaraanan ng mga manunulat sa pagbuo ng isang "Feel-Good Pinoy" Segment. Ani Delizo, hindi laging nasusunod kung ano ang nakikita ng manunulat na kahihinatnan ng proyekto at kinakailangan ng malikhaing pag-iisip, lalo na sa panahon ng aberya, upang gamitin ang kung ano ang mayroon lamang sila.
Ipinunto naman ng komedyanteng si Betong Sumaya na mahalagang isaalang-alang ng isang programa ang koneksyon nito sa mga manonood upang maisakatuparan ang tunay na misyon sa paglikha ng isang programa. Ani Sumaya, malaking bahagi ng epektibong koneksyon sa madla ang pagkakaroon ng team na dedikado at malikhain sa pag-iisip ng mga istorya na hindi lamang nagpapatawa kundi nagbubukas din ng kamalayan sa nakararami.
Pagdating naman sa mga dapat asahan ng mga aspiring broadcasters sa pagpasok sa industriya ng midya, ibinahagi ni Direk Treb Monteras na magiging hamon ang pagkakaroon ng sapat na pahinga at tulog. Pahayag ng direktor, isang sikretong solusyon ang paghihiwalay ng "art" sa itinuturing na trabaho at ang pagkakaroon ng iba pang libangan na labas sa linya ng propesyon.
Nagtapos ang programa sa paghalal sa mga bagong kawani ng organisasyon at opisyal na pag-anunsyo ng pagwawakas ng kasalukuyang termino. Anang organisasyon, patuloy nilang isusulong ang kanilang katagang, "Talent, Passion, Arts, PUP BroadCircle Dedicated to Excellence." at ang paghuhubog sa mga estudyanteng alagad ng midya.