 
                                                                                                    23/10/2025
                                            AMAZON, HANDA NA SA ROBOT REVOLUTION 🤖📦 
Ang ikalawang pinakamalaking employer sa U.S. ay naghahanda na para sa robot revolution.
Ayon sa ulat ng New York Times, inaasahan ng Amazon na makakatulong ang automation para hindi na ito kailangang mag-hire ng humigit-kumulang 600,000 empleyado, habang target nitong madoble ang bilang ng deliveries pagsapit ng 2033.
Batay sa mga dokumentong nakuha ng NYTimes, balak ng Amazon na hindi na mag-hire ng 160,000 manggagawa sa U.S. mula 2025 hanggang 2027, na inaasahang makakatipid ng $0.30 kada item o katumbas ng $12.6 bilyon. Layunin ng robotics team ng kumpanya na ma-automate ang 75% ng operasyon ng Amazon.
Alam din ng Amazon na puwedeng maging PR nightmare ang ganitong plano. Kaya ayon sa mga dokumento, gusto nilang suportahan ang community programs bilang pampalubag, at inatasan ang mga executive na iwasan gamitin ang salitang “automation.” Sa halip, gamitin daw ang “cobots” (collaborative robots) para ipakitang kasama pa rin daw sa proseso ang mga tao.
Matapos lumabas ang balita, sinabi ng Amazon sa Times na hindi raw sumasalamin ang mga dokumentong iyon sa mas malawak nilang hiring vision, at itinanggi rin nila ang umano’y koneksyon ng kanilang community projects sa automation plan o sa mga tagubilin sa mga executive.
                                             
 
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                                                                                     
                                         
   
   
   
   
     
   
   
  