
20/07/2025
𝐃𝐞𝐬𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐧𝐠 𝐊𝐨𝐫𝐭𝐞 𝐒𝐮𝐩𝐫𝐞𝐦𝐚 𝐝𝐚𝐩𝐚𝐭 𝐦𝐚𝐧𝐚𝐢𝐠
https://hatawtabloid.com/2025/07/20/desisyon-ng-korte-suprema-dapat-manaig/
𝘼𝙆𝙎𝙔𝙊𝙉 𝘼𝙂𝘼𝘿
𝙣𝙞 𝘼𝙡𝙢𝙖𝙧 𝘿𝙖𝙣𝙜𝙪𝙞𝙡𝙖𝙣
SA TUWING may legal na isyu, ang daming nagsasalita. May mga abogado, may mga eksperto, at may mga ordinaryong Pinoy na parang laging may alam sa batas. Pero sa totoo lang, sa dulo, iisang grupo lang ang may final say at ito ay ang Korte Suprema.
Ayon sa ating Saligang Batas, ang 15 justices ng Supreme Court lang ang may kapangyarihang magsabi kung tama ba ang proseso, kung naaayon ba sa Konstitusyon ang isang hakbang, at kung paano dapat ito i-interpret. Hindi ang Pangulo, hindi ang Senate President, hindi ang mga congressman, at lalong hindi ang netizens.
Kaya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, malinaw ang dapat na gawin. Igalang ang role ng Supreme Court. Anuman ang paniniwala mo sa politika, may proseso tayong sinusunod. Rule of law ang pinanghahawakan natin kaya ang tamang gawin ay maghintay sa magiging desisyon ng Korte Supreme.
Pero siyempre, may ilang grupo na ayaw maghintay. May iba pa nga na nagsasabing ginagamit daw ang Supreme Court para i-delay ang impeachment trial. Hindi ito makatuwiran. Una, hindi basta-basta nadidiktahan ang Supreme Court. Hindi ito sunod nang sunod lang sa Senado, sa Kongreso, o kahit sa popular na opinyon.
May ilang kontrobersiyal na desisyon ang Korte Suprema noon, oo. Pero paulit-ulit na rin nitong pinatunayan na ang basehan ng kanilang ruling ay batas at hindi kung sino ang makapangyarihan o kung ano ang trending.
Meron din nagsasabi na ituloy na lang agad ang trial kahit may kaso pa sa Korte Suprema. Pero paano kung sabihin ng Supreme Court na unconstitutional ang proseso? Anong mangyayari sa trial? Tatanggapin ba ng mga nagsusulong nito ang ruling?
Diyan nasusubok ang prinsipyo. Madaling sumigaw ng “rule of law” kapag pabor sa iyo ang takbo ng laban. Pero kung hindi pabor ang desisyon, handa ka bang sumunod pa rin?
Sa isang demokrasya, ang respeto sa kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno ang nagsisiguro na may balance at order. Ginampanan na ng Senado ang role nito sa pamamagitan ng pagkilala sa hurisdiksiyon ng Korte Suprema. Ngayon, panahon na para hintayin ang magiging pasya.
Kapag nagdesisyon na ang Korte Suprema, dapat tanggapin natin ito, whether pabor ka man o hindi sa impeachment. Dahil ang batas ay batas at ang pagsunod dito ang tanda ng isang gumaganang demokrasya.
AKSYON AGADni Almar Danguilan SA TUWING may legal na isyu, ang daming nagsasalita. May mga abogado, may mga eksperto, at may mga ordinaryong Pinoy na parang laging may alam sa batas. Pero sa totoo lang, sa dulo, iisang grupo lang ang may final say at ito ay ang Korte Suprema.…