23/08/2026
DALAWANG SUSPEK SA ROBBERY-HOLDAP ,ARESTADO NG CAVITE PNP .45 CALIBER NA BARIL NASAMSAM SA GENERAL TRIAS CITY
GENERAL TRIAS CITY, CAVITE – Arestado ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang suspek sa insidente ng robbery-holdap at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act, matapos ang isang hot pursuit operation dakong alas-2:45 ng madaling araw noong Agosto 22, 2026, sa Mayor’s Drive, Barangay Santiago, General Trias City, Cavite.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “KHAN,” 40 taong gulang, walang trabaho at residente ng Tropical Village, Barangay San Francisco, General Trias City, Cavite, na nahaharap sa paglabag sa RA 10591; at alyas “ROMIE,” 44 taong gulang, construction worker at residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakaranas ng aberya ang sasakyan ng complainant na alyas “RISH,” 24 taong gulang, habang bumibiyahe sa Mayor’s Drive kaya napilitan siyang huminto sa gilid ng kalsada. Habang sinusuri niya ang kaniyang sasakyan, dumating ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo.
Lumapit umano ang isa sa mga suspek sa complainant at, habang nakatutok ang baril, nagdeklara ng holdap. Kinuha nito ang mga personal na gamit ng biktima na kinabibilangan ng isang MacBook laptop, isang iPhone 13, isang susi ng Toyota Wigo, isang hard drive, at isang Seiko wristwatch na may kabuuang tinatayang halaga na ₱76,000.00.
Agad na iniulat ng complainant ang insidente sa mga tauhan ng Sector 5 at nagbigay ng paglalarawan sa mga suspek. Ayon sa kaniyang salaysay, ang isa sa mga suspek ay nakasuot ng asul na jersey na may nakasulat na “Phase 2” at numerong “11,” habang ang isa naman ay nakasuot ng itim na sando at itim na denim shorts. Pareho silang may suot na itim na helmet at tumakas patungo sa Barangay San Francisco sakay ng itim na motorsiklo.
Matagumpay namang natunton ang cellphone ng complainant at natukoy ang lokasyon nito sa Pabahay 2000, Tropical Village. Dahil dito, agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Sector 5, kasama ang complainant.
Nang matagpuan ang mga suspek, positibong kinilala sila ng complainant bilang mga taong sangkot sa insidente. Nakumpiska mula sa kanilang posesyon ang isang MacBook laptop, isang iPhone 13, at isang susi ng Toyota Wigo na pag-aari ng complainant. Nakumpiska rin ang dalawang helmet na ginamit umano ng mga suspek at ang kanilang getaway vehicle na isang itim na Rusi motorcycle na may conduction sticker number na 1303-200968.
Samantala, nakumpiska mula kay alyas “KHAN” ang isang C**t Combat Commander caliber .45 pistol na may serial number 102221, dalawang magazine para dito, at walong bala.
Ipinaalam sa dalawang suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanilang nauunawaan. Matapos nito, sila ay dinala at itinurn-over sa General Trias City Police Station dakong alas-3:00 ng hapon ng parehong araw para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.
Patuloy ang pagsisikap ng kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad at mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa mga krimen.
📷 PNP CAVITE