24/10/2025
Write-Up Friday | Hindi naman ako palaging magaling
Akala ko no’ng bata pa, kaya ko ang lahat. Magmula sa pag-aaral ng mga aralin na kinakailangan sa loob ng apat na sulok ng ating pangalawang tahanan, hanggang sa mga takdang-aralin na minsan ay hinahanapan ng gabay ng magulang. Hindi ako madalas na humahagilap ng ibang kamay noon at alam kong kaya kong gawin mag-isa ang halos lahat ng gawain dahil iniisip ko, magaling ako.
Ngunit sa tuwing umangat nang umangat ang baitang na tinutuntungan, unti-unti kong nakikita sa sarili na hindi pala kayang pasanin lahat. Pahirap nang pahirap ang bawat hakbang na may pagkakataong hindi kinakaya mag-isa. Mga pagtahak sa kalsadang nakukuwestiyon ang kakayahan ko sa mga bagay na akala ko noon ay magaling ako. Sa una pa lang ba, magaling nga ba talaga ako?
Mga medalyang palaging nakasabit sa aking leeg. Sertipikong natatanggap madalas sa tuwing matatapos ang bawat markahan. Patimpalak na laging uuwing panalo dahil sa dala-dala ang ngalan ng paaralan. Lahat ng iyan ay naging patunay noon kung gaano ako kagaling—na ngayon ay tila ba isang kwento na lamang kung paano ako mamayagpag sa larangang hindi na mawari ngayon kung magwawagi pa rin ako.
“Kaya ko pa ba ‘to?” at “Akala ko ba, magaling ako?” ay ang mga tanong na palaging bumabagabag na sa isipan sa tuwing may bagong hamon akong haharapin. Pangamba at pagdududa sa sarili ang bumabalot sa aking sistema bawat galaw—hanggang sa nilalamon na ang mentalidad na hindi kakayanin ng sarili ko na gawin ito. Nakalulungkot man ngunit hindi na magawang iwaglit sa isipan ang ganitong nararamdaman—tila ba’y dugong umiikot at nanunuot sa bawat ugat ko. Subukan man ang mga paraan upang mapuksa ang pag-iisip na ito ngunit may mga pagkakataon talagang kakainin ka nang buhay, paunti-unti, at hindi mo namamalayan.
Kasabay pa nito ang mga matang nag-aakalang magaling pa rin ako. Mga naging saksi sa kung paano ko naitawid lahat nang mag-isa ang mga bagay na kung titignan ay kailangan ng puwersa ng iba. Kung paano ako tumindig noon na para bang kayang-kaya ko pa ang lahat dahil nga sa magaling ako. Ngunit sila rin ang nagiging saksi sa kung paanong ang matikas na tindig ay unti-unti na ring gumuguho dahil sa mga masasamang elementong naninirahan sa utak ko—pagkwestiyon at kawalan ng tiwala sa sarili. Kung paanong ang dating magaling na ako na nangunguna noon ay tila ba ay hindi na makahabol kahit sa pinakamabagal na pagong. Na ngayon tila ba isang ligaw na bata na hindi mawari kung anong daan ang tatahakin na alam niyang pupulutin siya.
Tila ba ay maging ang mga taong nakasaksi sa akin noon ay nag-aalangan na ngayon kung magaling pa ba ako. Napaisip ako, tiwala pa ba ang mga ito na gano’n pa rin ako? Sabagay, maging ako man ay hirap nang tingalain ang sarili kung kitang-kita na ang pangangalawang. Mahirap sabihin at isipin na taglay ko pa rin ang galing kung hindi ko mapatunayan sa sarili.
Isa na lamang ang nasa utak ko. Hindi naman pala ako magaling, kinakaya ko lang naman pala.
Ni Leigh Marie Canillo
Larawang kuha ni Kinze Poblete